Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 24, 2021 – BIYERNES – MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO | San Delfin

Isang mabiyayang huling araw ng Adbiyento!  Mamayang gabi, sasariwain na natin ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus sa ating piling.  Tanda ng dakila at walang-hanggang pagmamahal ng Diyos sa atin.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang, samahan natin si Zacarias sa kanyang pagpapasalamat sa Panginoon na ipinahayag niya sa pamamagitan ng Benedictus.  Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata isa, talata animnapu’t pito hanggang pitumpu’t siyam.  

EBANGHELYO: Lk 1:67-79

Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya ng ganito:

      “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,

             dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan.

        Mula sa sambayanan ni David na kanyang lingkod,

              Ibinangon niya ang magliligtas sa atin,

        Ayon sa ipinangako niya noong una

               Sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta:

        Kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin.

        Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno

                At inaalala ang banal niyang tipan,

        Ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham

        Na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway,

                Upang walang takot natin siyang mapaglingkuran,

         Nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin.

         At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng kataas-taasan.

         Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan.

         Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan

                 sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala.

         Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin

                  ng araw na galing sa kaitaasan.

         Upang liwanagan ang mga nanatili sa kadiliman

                   at sa lilim ng kamatayan, at aakayin ang ating mga yapak

                   sa daan ng kapayapaan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sis Lorrie Avelino ng Association of Pauline Cooperators ng Society of St Paul-Makati ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin kung paano pinapurihan at pinasalamatan ni Zacarias ang Panginoon dahil tinupad Niya ang kanyang mga ipinangako sa pamamagitan ng mga propeta. (Napakaganda ng kanyang sinabi, na ililigtas tayo ng Panginoon mula sa kamay ng mga napopoot sa atin. Ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, at kahahabagan ang ating mga ninuno, upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa paningin niya, habang tayo’y nabubuhay.)  Kung nakaranas tayo ng ganitong pangako, gaano pa kaya ang gagawin niyang pagliligtas sa ating bayan?  Itong mga pangakong ito ang magbibigay sa atin ng lakas, lalo na sa mga panahong ito na pinanghihinaan tayo ng loob, dahil sa mga sunod-sunod na pagsubok, na dinaraas ng ating bayan, lalung-lalo na dahil sa Pandemya.// Mga kapatid, meron pa bang higit na makakatulong sa atin, kung hindi ang pangakong nandiyan ang Panginoon upang tayo’y iligtas sa ating mga kaaway, gaya ng mga sakit at kahirapan?// Katulad ni Juan na ibinigay ng Diyos kay Zacharias, si Juan ay ipinanganak upang ihanda ang mga tao sa pagdating ni Jesus.  Nawa’y maging Juan tayo ng kasalakuyang panahon. // Sa tulong ng Espiritu Santo, sama- sama nating ipagpatuloy ang nasimulan ni Zacharias at ni Juan, na ipahayag ang kabutihan at pagmamahal ng Panginoon sa lahat nga tao.  Maligayang Pasko po sa ating  lahat!