Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 24, 2023 – IKAAPAT NA LINGGO NG ADBIYENTO (B)

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikaapat na Linggo ng Adbiyento.  Bisperas ng araw ng kapanganakan ng Panginoong Hesus! Sa panghuling araw na ito ng Adbiyento, muli tayong magninilay sa napakagandang plano ng Diyos sa sangkatauhan. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.

EBANGHELYO: Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Angel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazareth. Sinugo ito sa birhen ipinagkasundo na sa isang lalaki nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang Anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon. Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “ Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos sa iyo. At ngayo’y maglihi ka at manganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang anak ng kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Mahahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa Anghel: “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang Anghel: “ Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at liliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya maging banal ang iyong isisilang at tatawaging anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa akaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman Maria: “ Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Vergel Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nang magpakita ang anghel kay Maria at ibalita sa kanya na siya’y magbubuntis o magdadalang tao kay Hesus, may kakayanan siyang tanggihan ito. Pero hindi niya ito ginawa. Pinili niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya, kahit na maraming pangamba ang kanyang puso.  Mga kapatid, maraming pagkakataon na maaring ang pagpili natin sa mabuti, pagpili sa kung ano ang makatarungan, at pagpili kung ano ang tama ay hindi magiging isang madaling desisyon. Pero huwag sana tayong pangunahan ng takot! Sa kabila ng pangamba, manatili tayong tapat sa pagpili sa kung ano ang tama, mabuti, makatarungan, at kaibig-ibig sa mata ng Diyos! Kailanma’y hindi pinababayaan ng Diyos ang taong nasa panig Niya at handang gawin ang kanyang kalooban.

PANALANGIN

Panginoon namin, bigyan mo ako ng lakas ng loob, na tulad ng kay Maria na aming Ina. Maging matapang nawa ako na piliin at tupdin ang iyong kalooban. Amen.