Daughters of Saint Paul

Disyembre 24, 2024 – Martes | Dakilang Kaspistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon

Ebanghelyo:  Lc. 1:67-79

Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya ng ganito:
“Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan.
Mula sa sambayanan ni David na kanyang lingkod,
Ibinangon niya ang magliligtas sa atin,
Ayon sa ipinangako niya noong una
Sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta:
Kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin.
Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno
At inaalala ang banal niyang tipan,
Ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham
Na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway,
Upang walang takot natin siyang mapaglingkuran,
Nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin.
At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng kataas-taasan.
Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan.
Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan
sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala.
Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin
ng araw na galing sa kaitaasan.
Upang liwanagan ang mga nanatili sa kadiliman
at sa lilim ng kamatayan, at aakayin ang ating mga yapak
sa daan ng kapayapaan.”

Pagninilay:

Kamangha-mangha! Sa pagsilang ni Juan Bautista, sabay nakalag ang dila ni Zacarias at inawit niya ang Benedictus. Nilalaman nito ang papuri sa Diyos sa ginawang pagliligtas sa Israel. Hudyat din ito ng pagliligtas ng sangkatauhan. Nakakagiliw na pagnilayan at ipagdiwang ang pagpapahayag ni Zacarias na ang kanyang anak ang maghahanda ng daan sa pagdating ng Tagapagligtas. Di nga ba’t ito rin ang tunog at himig ng Hubileo? Mamayang gabi ilulunsad natin ang Jubilee Year at bubuksan ni Pope Francis at ng lahat ng mga Obispo ang mga Holy Doors. Pilgrims of Hope, o mga Umaasang Naglalakbay ang ating Tema. Sa ating diwa at kalooban, maglalakbay tayo na tila nagpuprusisyon; sumusulong na hawak ang sulo ng pag-asa. Punuin din natin ang mundo ng solemneng Jubilee Year Theme Song.  Ayon sa himig,

“Like a flame my hope is burning, may my song arise to you.

Source of life that has no ending, on life’s path I trust in you.

Every nation, tongue, and people finds a light within your Word.

Scattered fragile sons and daughters find a home in your dear Son.”