Daughters of Saint Paul

Disyembre 25, 2016 – LINGGO Pasko ng Pagsilang ng Panginoon (Dakilang Kapistahan) Misa sa Araw

Jn 1:1-18 (1:1-5, 9-14)

Sa simula'y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang salita, at Diyos ang salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula.

            Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan.

            May taong sinugo ang Diyos-Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa Liwanag… Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao…

At naging laman ng Wikang-Salita at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos siya ng Kagadahang-loob at Katotohanan.

            Nagpapatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: Nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako'y siya na.”

            Mula sa kanyang kapuspusan nga tunanggap tayong lahat,-oo, abut-abot na kagadahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang Kagadahang-loob at ang Katotohanan. Kailanma'y walang sinumang nakakita sa Diyos, ang bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

PAGNINILAY

Sa wakas dumating na ang pinakahihintay nating araw ng Pagsilang ng ating Tagapagligtas.  Kaya kahit puyat tayo sa midnight Mass, mahalagang magsimba pa rin tayo sa araw na ito bilang pasasalamat sa Panginoong Jesus na unang nagbigay ng Kanyang Sarili noong Unang Pasko.  Nagkatawang tao ang Diyos upang mamuhay kasama natin, para tubusin tayo sa kasalanan. Hindi ba isa itong dakila at napakalaking regalo mula sa Diyos? Pinawi ng Diyos ang dilim at pagkatakot na bumabalot sa ating mundo sa pamamagitan ng pagsilang ng Ilaw ng Sanlibutan, si Jesus-Emmanuel, Panginoon at Diyos na laging sumasaatin.