EBANGHELYO: Jn 1:1-18
Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang salita, at Diyos ang salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa Liwanag… Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao… At naging laman ng Wikang-Salita at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos siya ng Kagadahang-loob at Katotohanan. Nagpapatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: Nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tunanggap tayong lahat,-oo, abut-abot na kagadahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang Kagadahang-loob at ang Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos, ang bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.
PAGNINILAY:
Maligayang Pasko mga ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Sama-sama tayong magbunyi kasama ng mga Anghel sa Langit: Papuri sa Diyos sa Kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan! Mga kapatid, ano man ang kalagayan natin ngayon, puyat, pagod, maysakit, hikahos, homesick, at iba pa – may dahilan para magdiwang ng Pasko! Si Jesus! Siya ang may kaarawan! Siya ang tunay na dahilan kung ba’t tayo nagdiriwang at nagkakasayahan! Huwag naman natin Siyang balewalain sa kanyang kaarawan, dahil kinain tayo ng kabisihan, antok at pagod. Bagkus, maglaan tayo ng tahimik na sandali ng panalangin at pasasalamat sa Kanyang pagpasok sa ating Kasaysayan bilang Diyos na nagkatawang tao para sa ating kaligtasan at sambitin:
PANALANGIN:
Panginoong Jesus, maraming salamat Sa’yong pagdating sa aming piling noong Unang Pasko. Puspusin Mo po ng kagalakan at kapayapaan ang aking puso, sampu ng aking pamilya, Amen.