EBANGHELYO: Lk 2:1-14
Nang mga araw na iyon, nagpalabas ng kautusan si Emperador Augusto na magpalista ang buong imperyo. Naganap ang unang sensong ito ng si Quirino ang gobernador sa Siria. Kaya kailangang maglakbay ang bawat isa para sa kanya- kanyang bayan magpalista. Umahon din si Jose mula sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Mula s’ya sa angkan at lahi ni David kaya pumunta s’ya sa Judea upang sa bayan ni David na tinatawag na Bethlehem magpalista kasama si Maria na ipinagkasundo na sa kanya na nagdadalantao noon. Habang naroroon sila, dumating ang sandali ng panganganak ni Maria. At nagsilang siya ng isang lalaki na kanyang panganay. Binalot ito ng lampin at inihiga sa sabsaban- dahil walang lugar para sa kanila sa bahay. Sa lupain ding iyo’y may mga pastol na nasa silungan na halinhinan sa pagbabantay sa kanilang kawan sa gabi. Biglang dumating sa kanila ang isang anghel ng Panginoon at nagningning sa paligid nila ang luwalhati ng Panginoon; gayon na lamang ang takot nila. Ngunit sinabi sa kanila ng angel: “Huwag kayong matakot, ipinahahayag ko nga sa inyo ang magandang balita na magdudulot ng making kagalakan sa lahat ng bansa… Ngayo’y isinilang sa inyo sa bayan ni David ang Tagapagligtas na si Kristong Panginoon. At ito ang magiging palatandaan ninyo: makikita ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.” Biglang-bigla namang lumitaw kasama ng anghel ang isang makapal na hukbo ng Langit, na nagpupuri sa Diyos at sinabi: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga tao na kanyang mahal.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapatid, di ba kay palad ng mga pastol? Sila ang unang nakatanggap ng Mabuting Balita. Narinig at natunghayan nila na: “Isinilang ang Tagapagligtas na si Cristong Panginoon!” (Ang mga Pastol. Binigyan sila ng mukha ng mga Biblical Scholars. Hindi raw sila nagpapanggap kahit na sila galusin at amoy-pawis. Mahalaga sa kanila ang matagalang pagbabantay sa mga tupa sa ilalim ng init ng araw at pagpupuyat kasama ng buwan. Aligaga sila kapag may nawawala, may mga nasusugatan. Nababansagan pa nga sila ng mga Guro ng Batas na mga pabaya sa pagsunod sa batas at nagkukulang ng oras sa pagsamba sa Templo. Kaya nagulat sila sa presensya ng Anghel. Kinilabutan sila sa kakaibang liwanag. Pero, humupa ang kanilang takot sa narining nila, na isinilang na ang Tagapagligtas na si Cristong Panginoon. Ganundin sa mahiwagang tanda na ibinigay sa kanila na “isang sanggol na nababalot sa mga lampin at nakahiga sa labangan”.) Sa inawit ng hukbong makalangit na “kapayapaan sa lupa sa mga taong kinalulugdan niya”. Sila iyon. Ang mga pastol ang kinalulugdan ng Diyos. Walang inaaring pribiliheyo. Nagsasakripisyo hindi sa pansariling hilig. Sila ang mararalita. Kapatid, kung naaaninag mo ang iyong sarili sa mga pastol. Naghihirap at pagod, nauuuhaw sa tamang pagtrato ng iba, nag-aalay ng oras para sa mga minamahal na hindi na halos makapagpahinga, nagsasakripisyo sa mga maysakit dulot ng bagsik ng virus, ikaw ang kinalulugdan ng Diyos. Ngayong Pasko, lumilitaw sa iyo ang Anghel ng Mabuting Balita ng Kaligtasan. Ikaw ang pinagkakatiwalaan ng isang tanda: “Sumilang ang Sanggol na Tagapagligtas!” Bigkasin mo ito sa iyong sarili. Ibulong mo rin sa mga taong pinaglilingkuran mo. Sa paggawa mo nito, ikaw ang makapagsisindi at makapagsasabit ng tunay na parol sa mga bintana at sa mga lansangan. Sasamahan ka ng mga Anghel na nagbibigay luwalhati sa Diyos!