Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 25, 2021 – SABADO Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon

Merry Christmas!  Pasalamatan natin ang Diyos sa Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ng ating Tagapagligtas.  Mula po sa mga madre ng Daughters of St. Paul at sa pamunuan ng himpilang ito – isang mainit na pagbati po ng Maligayang Pasko sa inyong lahat.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Juan kabanata isa, talata isa hanggang labinwalo.

EBANGHELYO: Jn 1:1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga  tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo  tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos sa ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang kagandahang-loob at ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sama-sama tayong magalak at magpuri sa araw na ito, dahil sa wakas isinilang na ang pinakahihintay nating Mesiyas – ang katuparan ng pangako ng Ama na hahango sa atin sa kadiliman.  Sa kabila ng puyat at pagod na naranasan natin sa mga nagdaang araw, gisingin natin ang diwa sa katotohanang nagliliwanag na sa kadiliman ang ilaw, tumatanglaw na siya sa kadiliman, malugod nating tanggapin ang alok N’yang liwanag.  Kaya anumang kadiliman ang nararanasan pa natin sa ngayon dulot ng pandemya, manalig tayo sa dalang liwanag ng ating Mesiyas at Tagapagligtas.  Idalangin nating tanglawan N’ya ang ating landas at hanguin tayo sa kadiliman.  Sa pagpapatuloy ng ating buhay sa mundo, panghawakan natin ang sinabi ni St. John Paul II na “Sa kabila ng tila namamayaning kapangyarihan ng kadiliman na nakapaligid sa atin, batid ng mga sumasampalataya sa Diyos na hindi kasamaan at kamatayan ang may huling salita.”  Ang Diyos nating Tagapaglikha, ang may huling salita.