Daughters of Saint Paul

Disyembre 25, 2024 – Miyerkules | Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon (Pagmimisa sa Hatinggabi)

Ebanghelyo: Araw- Juan 1:1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos sa ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang kagandahang-loob at ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

Pagninilay:

Maligayang Pasko sa iyo at sa iyong mga minamahal!

Haayyyy, sa wakas! Pasko na! Dumating na rin ang pinakahihintay natin—ang pagsilang ni Hesus, na nagdudulot ng liwanag, kaligtasan, at panibagong pag-asa.

Haayyyy, sa wakas! Makakapagpahinga na rin matapos ang mahaba at nakakapagod na paghahanda—ng panalangin, pagninilay, pagsasaya, at pagbibigayan.

Pasko, bilang Araw ng Pahinga? Bakit hindi? Ang Pasko ay sandali ng paghinga nang malalim, ng pagtigil sa pagmamadali, at ng pagyakap sa kapayapaan ng Diyos.

Kaya naman ngayong Pasko, halina’t pagmasdan at pagnilayan ang cute na cute na Banal na Sanggol na si Hesus. Ang Pasko ay maihahalintulad sa mahimbing na pagtulog ng Batang Hesus sa sabsaban. Hindi alintana ang kaguluhan sa paligid, Siya’y nagpapahinga nang payapa, puno ng pananampalataya sa pagkalinga ng Kanyang mga magulang at ng Diyos Ama. Sa Kanyang payapang paghinga, makikita ang kawalan ng takot at pag-aalala—isang larawan ng ganap na pagtitiwala at pag-asa.

Ang bawat sandali ng pagtulog ng Banal na Sanggol ay paalala ng simple ngunit mahalagang katotohanan ng buhay—ang kakayahang huminto, magpahinga, magmuni-muni, magpasalamat, at magtiwala na bukas ay may bagong simula. Sa katahimikan ng Pasko, natutunan nating iwan ang ating mga alalahanin, yakapin ang kapayapaan, at hayaang maghari ang liwanag ni Kristo sa ating mga puso.

Kaya naman, kapatid, tumigil muna. Hinga nang malalim, kumalma, at magpahinga—tulad ng Banal na Sanggol na si Hesus. Sapagkat bukas, sa liwanag Niya, magsisimula ang panibagong paglalakbay ng pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya.