Daughters of Saint Paul

Disyembre 26, 2016 LUNES Oktaba ng Pasko / San Esteban, unang martir (Kapistahan)

Mt 10:17-22

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.

            “Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo'y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

            “Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n'yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.”

PAGNINILAY

Ang Pasko, panahon ng pagmamahalan at pakikipagkapwa.  Pero, isang araw pa lamang makalipas ang Pasko, tinalakay na ng Ebanghelyo at liturhiya ang pagmamartir, kamatayan at pagkakawatak-watak.  Si San Esteban ang unang martir ng Kristiyanismo.  Isa siyang saksi na nagsabuhay ng halimbawa ni Jesus.  Inialay niya ang kanyang buhay alang-alang kay Jesus at sa kapwa.  Ang kanyang huling salita’y hawig sa mga huling salita ni Jesus:  “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu… Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.”  Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay minsan nahaharap din tayo sa sitwasyong inuusig tayo sa kabila ng ating pagmamagandang-loob at pagtulong sa kapwa.  Kinukuwestiyon ang ating mabuting hangarin at hinahanapan ng butas ang ating paglilingkod.  Sapat na dahilan na ba ito para itigil natin ang magandang simulain?  Hahayaan ba natin ang mga taong umuusig sa atin na hadlangan ang ating paglilingkod sa Diyos at sa kapwa?  Pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo ngayon na kapag sumunod tayo sa turo ng Panginoon at ialay ang buhay sa paglilingkod sa Kanya, marami ang tutuligsa at kokontra sa atin.  Pero si San Esteban ang ating huwaran sa tunay na pagiging masigasig na panindigan ang pananampalataya sa kabila ng pagsubok.  Nagawa niya pang ipagdasal ang mga kalabang umuusig sa kanya.  Marahil pinalakas siya ng kanyang pananampalaya sa Panginoon na nagpapaalala sa atin na “Huwag tayong matakot sa mga pumapatay sa katawan, ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa.  Sa halip matakot tayo sa nakapagpapahamak ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.”