Daughters of Saint Paul

Disyembre 26, 2017 Martes / Kapistahan ni San Esteban, unang martir

MATEO 10:17-22

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapatay ng sariling kapatid ang sariling kapatid, ng ama ng kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang magulang at ipapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, katatapos pa lamang ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ngayon naman Pasko ng Pagsilang sa Langit ni San Esteban ang ating ginugunita.  Marahil itatanong n’yo,  bakit kaya pagkatapos ng kagalakan, paghihirap at pagkamatay naman ng isang martir ang ating ipinagdiriwang?  Parang kill joy naman ang liturhiya.  Pero kung pagninilayan nating maigi, makikita natin at mauunawaan ang koneksyon ng kapistahan ng martir na si San Esteban sa pagdiriwang ng Pasko.  Nangangahulugan ito na sa pagdating ng Mesiyas, magsisimula na rin ang pagbabago sa buhay ng tao.  Hindi kaila sa atin na maraming pinahahalagahan ang tao na salungat sa pinahahalagahan ng Diyos.  Katulad nang pamumuhay sa katiwalian, kasakiman at kawalang pakialam sa mga taong labis na naaapektuhan bunga ng sistemang ito; ang pagsira sa inang kalikasan para sa pansariling pagpapayaman at kapakanan; ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao; ang pagpapakalat ng kasinungalingan gamit ang social media; ang pananahimik sa gitna ng karahasan at mapaniil na sistema sa lipunan at marami pang iba.  Mga kapanalig, totoo na kapag sineryoso nating isabuhay ang turo ng Panginoon at maninindigan tayong sundin ito – siguradong maraming tutuligsa at mamumuhi sa atin. Pero pinalalakas ng Panginoon ang ating loob na huwag tayong susuko, dahil Siya mismo ang mamamagitan sa atin sa labang ito. Siya ang may huling salita, pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo.  Tularan natin ang pananampalataya ni San Esteban.  Nanatili siyang matatag sa gitna ng pag-uusig at hindi rin nagtanim ng galit sa mga nagpapahirap sa kanya.  Sa halip, ipinagdasal niya sa Ama na sila’y patawarin, dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.   Panginoon, marapatin mong matularan ko ang halimbawa ni San Esteban.  Amen.