Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 26, 2019 – HUWEBES | Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir

EBANGHELYO: Mt 10:17-22

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sinanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. “Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. “Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Bro. Bryan Cabatingan ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Naniniwala ka ba sa kasabihang “mas mainam nang saktan ka ng katotohanan kaysa paniwalain ka ng kasinungalingan”?  Sa unang tingin, kakaiba ang kapistahang ipinagdiriwang natin pagkatapos ng Pasko ng pagsilang ng ating panginoon: ang kapistahan ni San Esteban, ang unang martir. Kahapon, nagsasaya tayo sa pagsilang ng Manunubos. Sa araw namang ito, narinig natin ang pagpapakasakit ni San Esteban. Dahil sa inggit sa pagiging puspos niya ng biyaya at karunungan, pinagbintangan siya ng kalapastanganan, kaya siya’y binato hanggang sa mamatay.  Hindi tayo inililigaw ng kapistahang ito sa masayang pagdiriwang ng kapaskuhan. Bagkus, inaakay tayo nito sa katotohanan, na dapat tayong maging handa sa mga pagsubok na ating haharapin sa pagsunod sa aral ng banal na sanggol na isinilang sa sabsaban.   Sa mata ng mundo, kabalintunaan ang aral ni Hesus:   Kalinisan sa harap ng mundong nagpapakasasa sa kasalanan ,  Pagdaralita sa harap ng mundong nahuhumaling sa kayamanan,             at pagtalima sa harap ng mundong nagpapahayag ng huwad na kalayaan.  Gayun pa man, alam natin na kung maninindigan tayo sa katotohanan at kabutihan tulad ni San Esteban, ang gantimpalang kanyang natamo, siya rin nating makakamtan.  

PANALANGIN:

Panginoon, matularan ko nawa si San Esteban sa Kanyang matatag na paninindigan sa pananampalataya. Puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu ng makatugon ako sa hamon ng Ebanghelyo, Amen.