The Holy Family artwork by Ruth Stricklin, New Jerusalem Studios, Phoenix, Arizona, USA
http://www.njerusalemstudios.com
—————————————————-
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Hesus, Maria, at Jose. Pasalamatan natin Siya sa ating sariling pamilya, na humubog sa ating maging mabuting tao at Kristiyano. Kung ano man tayo ngayon, iyon ay dahil sa pamilyang nagmahal at nag-aruga sa atin sa tulong ng Diyos. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan ang ating puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata dalawa, talata apatnapu’t isa hanggang limampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Lk 2:41-52
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahang-loob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Maligayang Pasko po sa ating lahat. Kamusta po ang pagdiriwang nyo ng Pasko kahapon? Alam kong napagod ang ilan sa atin sa buong selebrasyon, kahit nasa pandemya pa tayo. Marahil naging abala ang ilan sa magarbong handaan at pamimigay ng regalo. Pero ang mahalagang tanong ko para sa ating lahat, kamusta ang pagsalubong natin sa pagsilang ng sanggol, na Niño Hesus, and bida at ang star ng Pasko?! Ngayong araw din na ito ay espesyal dahil ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Banal na Pamilya ni Hesus, Maria, at Jose. Pinapaalalahanan tayo ng araw na ito, na si Hesus ay hindi iba sa atin, siya ay nabibilang din sa isang pamilya, isang bata na kailangan ang pag-gabay at pag-aaruga ng isang ama at ina. Siya ay tulad ng isang bata na pwedeng magliwaliw at mawala pero sabi nga sa Mabuting Balita, hinanap siya ni Jose at Maria, ito din marahil ang kahalagahan bakit tayo may Pasko – ang hanapin sa buhay natin si Hesus. Mga kapanalig, sa araw ding ito, pinaaalalahanan tayo na bigyan natin ng halaga ang bawat miyembro ng ating pamilya. Nawa’y saan man tayo mapunta, saan man tayo maglakbay, huwag nating kalilimutan ang ating pinagmulan – ang ating pamilya. Sabi nga sa makatang OPM na kantang MaPa: “At kahit na kailan pa man ay di mawawala, pagkat dala ko ang mapa (Mama Papa), saan man mapunta alam kung saan nagmula.”