Daughters of Saint Paul

Disyembre 26, 2024 – Huwebes | Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir

Ebanghelyo: Mt. 10:17-22

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.

Pagninilay:

Sinabi ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon: “Mag-ingat kayo sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian, at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari nang dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano…  Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag, hanggang wakas kayo maliligtas.”

Na-imagine mo ba, kung kasama ka sa mga unang misyonero, at ito ang sinabi noong ipinadala kayo sa ibang bansa upang ikalat ang Mabuting Balita? Ano kaya ang magiging reaksyon mo? Ano ang mararamdaman mo? Maaaring tahimik lang na lumayo kay Jesus ang ilan. Natakot nang sumunod sa kanya bilang kanyang mga alagad… sapagkat napakahirap at napakahalaga ng isusugal mo… ang pagkawala ng sarili mong buhay.

Oo nga’t maraming mga biyaya at pagpapala ang natatanggap natin kapag sinusunod natin si Hesus. Pero marami ring mga paghihirap at sakripisyo ang nararanasan natin dahil dito. Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Esteban. Ang unang martir na nagtaya ng lahat, maging ang kanyang buhay, para kay Hesus.

Ikaw kapanalig, ano ang handa mong ipagsapalaran? Ano ang kaya mong tiisin alang-alang kay Jesus?

Manalangin tayo: Panginoong Jesus, bigyan mo nawa kami ng biyaya, lakas at pagmamahal upang sumunod sa Iyo, lalo na kapag ang buhay ay puno ng panganib at paghihirap! Akayin mo kami sa buhay na walang hanggan gaya ni San Esteban! Amen.