Jn 20:1a, 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus si Maria Magdalena. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hinda namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya'y nakita niyang naroroon ang mga tela lino. Ngunit hindi siya pumasok.
Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, kay sarap balik-balikan ang panahon kung saan tayo nagmamahal. Mga panahon, kung saan hindi tayo nagsasawang makapiling at maka-isa ang taong ating minamahal. Kahit buong araw na magkasama at magkausap, tila bagang ang oras, hindi kayang tugunan ang adhikaing makapiling ang ating napupusuan at minamahal. Wala pong duda na ang Diyos natin – nagmamahal. Ang Kanyang pagmamahal, higit pa sa naranasan natin at sa limitadong pagkaunawa natin kung paano magmahal. Labis ang Kanyang pagnanais na tayo’y Kanyang makapiling. Handa Siyang magpakumbaba alang-alang sa ating kaligtasan. Kahit paminsan nakakalimot tayong magbigay pugay sa Kanya – maka-aasa pa rin tayong Siya’y masaya at matiyagang naghihintay. Kung tayo man naligaw ng landas dahil sa pagtalikod sa Kanya, handa Siyang hanapin tayo, para lamang ibalik sa tamang landas at ng makarating sa paroroonan. Ngayong ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ni San Juan Apostol, ang alagad na mahal ni Jesus – mabuting pagnilayan na ang kanyang magandang pakikitungo at pagmamahal kay Jesus, nagbunga ng malalim na pananampalataya sa kanyang pagkatao. Kaya katulad ni San Juan Apostol, sikapin natin araw-araw na maglaan ng panahon para makapiling at maka-isa ang Panginoon sa panalangin nang lalo pang lumalim ang ating ugnayan at pagmamahal sa Kanya. Manalangin tayo. Panginoon, papag-alabin Mo po ang aking pagmamahal Sa’yo nang lagi kitang makita sa aking kapwa at sa mga ordinaryong kaganapan sa aking buhay. Amen.