JUAN 20:1a, 2-8
Patakbong pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus si Maria Magdalena. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya'y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya.
PAGNINILAY:
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ang tagumpay ng Kanyang pagkapanganak. Nasaksihan ito ni Juan at muling nabuo ang kanyang loob. Si Juan nga ang sagisag ng isang tunay na apostol. Naging tapat siya kay Jesus hanggang sa huli. Naging kinatawan siya ng mga anak na espiritwal ni Maria, noong ipinagkatiwala ng Panginoong Jesus ang kanyang ina sa kanya, habang nakabayubay siya sa krus. At nang muling nabuhay si Jesus, lalong sumidhi ang kanyang katapatan sa pangangaral ng Mabuting Balita. Nagkaroon siya ng inspirasyon na isulat ang isang aklat na nagpapatunay na si Jesus ang Panginoon. Mga kapanalig, ngayong panahon ng pagdiriwang natin ng kapanganakan ng ating Panginoon, inaanyayahan rin tayong ipahayag ang malalim na kahulugan ng Pasko. Hindi nga ba ang Pasko, hindi lang handaan kasayahan at bigayan ng regalo? Hindi ba ito ang araw ng kaligtasan at pagkakaisa; pagdiriwang ng pagmamahal ng Panginoon sa atin; at pagsalubong sa buhay na Salita ng Panginoon? Ang Pasko, patikim sa atin sa tinatawag na kaganapan ng panahon o end times. Kaya bigyan natin ng mas makahulugang pagpapahalaga ang panahong ito. Anumang suliranin ang pinagdadaanan natin, ialay natin sa Panginoong Jesus – ang ating Daan, Katotohanan at Buhay. Nawa’y dalhin natin sa ating puso ang diwang ito… ang tunay na diwa ng Pasko. Panginoon, lagi ko nawang sariwain sa aking puso ang dakilang pagmamahal na handog Mo Sa’yong pagkakatawang tao. Sikapin ko nawang mamuhay lagi Sa’yong pagmamahal. Amen.