EBANGHELYO: Jn 20:1, 2-8
Patakbong pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus si Maria Magdalena. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hinda namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya.
PANALANGIN:
Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Pag tumingin ka, akin ka! Ang pagtingin ay isang akto ng pagbibigay ng atensyon ng isang tao, sa isang bagay, o kapwa tao man. Kasama sa aktong ito ang pagsusuri at pagpapalalim sa kahulugan ng nakikita. Maari mo itong paniwalaan o hindi, depende sa iyong pagpapasya. Sa ebanghelyo ngayon, narinig natin na tumingin at sumampalataya si San Juan sa palantandaan ng muling pagkabuhay ni Hesus: ang kayong lino. Tumingin siya at sumampalataya kahit hindi pa niya lubos na naunawaan ang kanyang muling pagkabuhay. Ganunpaman, sumampalataya siya. Mga kapatid, sa panahon ngayon, isang realidad na dapat nating harapin, ang pagkawala ng pananampalataya lalong lalo na ng bagong henerasyon. Marami sa mga kabataan ngayon ang hindi na naniniwala na mayroong Diyos, kaya naman sobrang easy na lang ang pagkikitil ng sariling buhay dulot ng depression. Nakakalungkot at nakaka-alarma ang realidad na ito. Pero, isang malaking hamon ito para sa atin. Nawa’y magsilbi tayong mga daan o instrumento para sa mga kabataan upang masumpungan nila ang Diyos. Sikaping maging huwaran sa pagmamahal at kabutihang asal, at ipakilala sa kanila si Jesus na nagkatawang tao. Ngayong Pasko, simulan natin ito sa sabsaban kung saan naroon ang batang Hesus. Ipakilala natin Siya at ituro natin sa mga kabataan ang dahilan kung bakit pumarito si Hesus sa mundo: para sayo, sa akin at sa kanila. Amen.