EBANGHELYO: Lk 2:22-40
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at maka-Diyos ang taong iyon. Hinihintay n’ya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi s’ya mamamatay hangga’t hindi n’ya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis ng bahay sa kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., director ng Biblical apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. (Narinig natin kung paano dinala ni Jose, bilang ama ng tahanan, si Maria at ang sanggol na si Jesus sa Templo ng Jerusalem upang tumupad sa mga alituntunin ng Batas ni Moises, ukol sa paglilinis ng inang nanganak, at ang “pagtubos” ng sanggol na isinilang. Ayon sa Levitico 12: 2-8, ang isang babae na nanganak ay marumi, sa loob ng apatnapung araw kasunod ng pagsilang ng isang anak na lalaki, o walumpung araw naman pagkaraan ng pagsilang ng isang anak na babae. Bagaman naitangi na si Maria, bilang bukod na pinagpala sa babaing lahat, pinili pa rin niyang isuko ang kanyang sarili sa Batas tulad ng ibang ina. Ipinakita nina Jose at Maria ang kanilang tapat na pagsunod sa Batas, at sa mga pamantayan na nasusulat sa Lumang Tipan.//) Pinalaki ni Jose at Maria si Jesus bilang mabuting Hudyo. Sa kanilang tahanan, natutunan ni Jesus kung papaano magdasal, magpuri at manampalataya sa Panginoong Diyos. Tinuruan siya ni Jose kung papaano maging isang binatang masipag at matulungin. Ipinakita naman sa kanya ni Maria ang kahalagahan ng pagiging madasalin at mapagmahal. Dahil sa kanilang pamumuhay nang may takot sa Diyos, nararapat lamang na tawagin silang Banal na Mag-anak.// Kapatid, katulad ba ng Banal na Mag-anak ang ating mga pamilya? Namumuhay ba tayo ng may takot sa Diyos? Pinapalaki ba natin ang ating mga anak na may pananampalataya? Pinapagtibay ba natin ang ang ating mga pamilya sa pamamagitan ng pagsunod ng mga turo ng Simbahan? Ngayon kapistahan ng Banal na Mag-anak, buong pananalig nating ipagkatiwala ang ating mga pamilya sa Diyos. Hilingin natin sa Diyos na, katulad ni Jesus, Maria at Jose, maging saksi nawa ang mga mag-anak natin sa pagmamahal ng Diyos.//