Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 27, 2021 – LUNES Kapistahan ni San Juan, apostol at ebanghelista

Magandang buhay mga kapatid kay Kristo!  Ika-dalawampu’t pito ngayon ng Disyembre, kapistahan ni San Juan, apostol at Ebanghelista.  Siya ang apostol na sumulat ng ikaapat na ebanghelyo, ng Apokalipsis, at ng tatlong Epistola sa Bagong Tipan.  Siya ang apostol na pinakamalapit sa Panginoong Hesus, ang nagpatibay na si Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Kilalanin pa natin si San Juan, ebanghelista sa Mabuting Balitang kanyang sinulat kabanata dalawampu, talata isa, dalawa hanggang walo.  

EBANGHELYO: Jn 20:1a, 2-8

Patakbong pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus si Maria Magdalena. Sinabi n’ya sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Juan Ebanghelista, ang minamahal na alagad. Matatandaan natin na siya ay isang mangingisda kasama ng kapatid niyang si Santiago na tinawag din ni Hesus upang maging alagad niya. Si San Juan ay isa sa mga kasama ni Hesus sa kanyang Transfiguration o pagbabagong anyo. Siya ay nakasaksi sa paghihirap ni Hesus sa garden ng Getsemani. Sa Huling hapunan, katabi niya ang Panginoong Hesus at humilig pa siya sa dibdib nito. At alam din natin na sa paanan ng krus, ipinagbilin ni Hesus kay Juan ang kanyang Ina. Hindi iniwanan ni Juan si Hesus sa kanyang paghihirap hanggang kamatayan. Narinig natin sa ebanghelyo ngayon na ang mahal na alagad ni Hesus ay kasama ni Pedro na tumakbo sa libingan at nakita nilang wala na iyong laman.//  Matinding kalungkutan at pagkabigo ang nadama ng mga alagad sa pagkamatay ni Hesus. Ano pa’t di nila nakita ang bangkay nito. Kapatid, naranasan mo na rin ba na parang wala si Hesus sa iyong buhay? Sa iyong pinagdaraanan? Madilim at nakakatakot? Nawala ba talaga si Hesus? Pero matapos siyang mabuhay na mag-uli, siya mismo ang nagpakita sa mga alagad. Tunay na hindi siya nawawala sa ating buhay. Manalig lamang tayo na kasama natin siya sa kabila ng bigat na ating pinagdadaanan. Bibigyan niya tayo ng lakas, tiyaga at liwanag tulad ni ibinigay niya kay San Juan Ebanghelista hanggang sa katapusan ng kanyang buhay. Higit pang napalapit si San Juan kay Hesus at Maria dahil sa buhay niyang dalisay.