Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 27, 2023 – MIYERKULES |  Kapistahan ni San Juan, apostol at ebanghelista

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules kapatid kay Kristo.  Purihin natin ang Panginoong Hesus at ipahayag ang Kanyang pagliligtas ngayong ikatlong araw ng Pasko. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Kapistahan ngayon ni San Juan, apostol at Ebanghelista.  Siya ang apostol na pinakamalapit sa Panginoong Hesus, ang nagpatibay na si Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao.  Hindi kailanman binanggit ni Juan ang kanyang sarili sa kanyang sinulat na Ebanghelyo.  Pero matutukoy natin na siya ang kasama ni San Pedro sa Ebanghelyo ngayon, na patakbong pumunta sa libingan ni Hesus nang Siya’y Muling Nabuhay.  Pakinggan natin ang kabuuan ng kuwentong ito, ayon kay San Juan kabanata dalawampu, talata dalawa hanggang walo.  

EBANGHELYO: Jn 20:2-8

Sa unang araw ng sanLINGGO, maagang napunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Patakbo siyang tumakbo kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niya naroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo na nakatalukbong sa ulunan niya na hindi nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalunlon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Ms. Ronalyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa Mabuting Balita, narinig nating ibinalita ni Maria Magdalena kay Simon Pedro at kay Juan na nawawala ang bangkay ng Panginoon.  Kaya pumunta sa libingan yung dalawa, at  hindi na nga nila nakita ang bangkay ni Hesus, kundi tanging mga tela lamang na ibinalot sa kanya. Pagkakita ni Juan ng mga ito, “siya’y naniwala.”  Mga kapatid sa pagkakataong ito, inaanyayahan tayo na suriin ang ating sarili. Hanggang saan ang ating paniniwala sa Diyos? Naniniwala ba tayo, na buhay ang Diyos? Naniniwala ba tayo na kaya Niyang gawin, kahit pa ang pinaka imposibleng bagay?  Naniniwala tayong may Diyos, na sinugo ng Diyos si Hesus upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, at pagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan, sa kabila ng kamatayan. Kung hindi tayo natatakot na mamatay, ito ang ating panghawakan. Ito rin ang pinanghahawakan ng mga taong hindi natatakot mamatay. Nagtitiwala sila na madaratnan nila ang mas maganda, mas mapayapa at mas maligayang buhay kasama ang Diyos. Nawa’y ito rin ang ating panghawakan.  Tulad ni San Juan, dapat nating palalimin ang ating pananampalataya. Magnilay tayo sa ating mga buhay, kung paano kumikilos ang Diyos.  At hari nawa’y, maging malapit tayo sa Kanyang mga salita na ating naririnig at pinagninilayan.

PANALANGIN

Panginoon, tulad ni San Juan turuan mo po kami na lumalim pa ang aming pananampalataya sa Iyo upang makapamuhay kami ayon sa iyong kalooban. Amen.