Ebanghelyo: Jn 20:2-8
Patakbong pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus si Maria Magdalena. Sinabi n’ya sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya.
Pagninilay:
Merry Christmas po sa inyong lahat! Nasa oktaba pa tayo ng Pasko ngunit nagpapahayag na tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesus ang Mabuting Balita ngayon. Matapos nating ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesus ay patuloy nating ipagdiriwang ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos, Siya na nag-alay ng Kanyang buhay para kaligtasan nating lahat.
Nagpakasakit at namatay sa krus si Hesus na ating Manunubos upang ipadama sa atin ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit nabuhay Siyang muli. Ito po ang good news! Nagdulot ng kalungkutan ang kamatayan ni Hesus sa Kanyang mga alagad. Nanghina sila at nanlumo. Subali’t namangha sila nang magpunta sa libingan at makitang wala si Hesus, at ang kayong lino ay nakatupi. Nasusulat sa ebanghelyo na, “Nang makita ito ng isa sa Kanyang alagad, siya ay sumampalataya.” Ang alagad na ito ay sinasabing si Juan ebanghelista.
Mga kapanalig, tulad ni San Juan, naranasan n’yo na bang magtiwala sa Diyos sa gitna ng matinding kahirapan at pagsubok sa buhay? Laging mag-kaakibat ang kalungkutan at kasiyahan. Saan man tayo dumako, may pagpapakasakit at kaginhawahan, may lungkot at ligaya, may kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa minamahal. Ito po ang ipinakita sa atin ni Hesus. At ito rin ang tunay na mensahe ng Pasko!
Manalangin tayo: Panginoon tulungan Mo po kaming makilala Ka, magtiwala sa ‘Yo, mahalin Ka nang lubos, at kasama Mo, maipadama ang Iyong pag-ibig sa lahat. Amen.