Mt 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.”
Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo'y dinala ang sanggol at ang ina nito sa Ehipto. Doon sila nanirahan hanggan mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”
Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas.
Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan, at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw pagkat wala na sila.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, marami tayong nasasagap na balita tungkol sa mga fetuses na itinapon sa basurahan; sanggol na iniwan sa lansangan, sa labas ng simbahan at kung saan-saan. Hindi rin natin mabilang ang mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ipinalalaglag na at hindi na binigyan ng pagkakataong mabuhay. Nakalulungkot isipin ang katotohanang napakaraming inosenteng musmos ang nagiging biktima ng KAPUSUKAN ng mga kabataang maagang nabubuntis, at KADUWAGAN ng mga magulang na tanggapin sila. KADUWAGANG panindigan ang bunga ng pagkakamali at harapin ang kanilang mga responsibilidad. Sa Ebanghelyo ngayon, KADUWAGAN din ang nag-udyok kay Herodes para ipapatay ang mga batang may gulang na dalawang taon pababa. Inunahan na siya ng takot na ang batang Mesiyas magiging katunggali niya sa kapangyarihan bilang hari, kaya minabuti niyang mawala na ito sa kanyang landas. Mga kapatid, sa panahon natin ngayon marami pa rin ang mga mistulang “Herodes.” Mga taong sariling kapakanan lamang ang iniisip – at binabalewala at inaabuso ang karapatan ng mga bata. Ang mga bata, mga mumunting anghel gaano man sila kapilyo o kakulit. Sa simple nilang mga ngiti, ating mababanaag ang munting si Jesus na nakangiti sa atin. Sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng “Niños Inocentes”, idalangin natin ang napakaraming sanggol sa buong daigdig na hindi nabigyan ng pagkakataong mabuhay at makakita ng liwanag – dahil ipinalaglag na sila ng kanilang sariling ina. Idalangin din natin ang lahat ng mga ina nang paliwagan sila ng Banal na Espiritu na laging pahalagahan ang handog na buhay na nagmumula sa Diyos.