MATEO 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Angel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo'y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “ Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman ito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya inutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga natang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya ngakatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ng kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, ano ang magandang balitang dulot ng ating Ebanghelyo sa araw na ito, kung ang napapaloob dito’y pagpatay ng mga inosenteng sanggol? Magandang balita ba na ang walang kamuwang-muwang na nilalang, matapos masilayan ang liwanag sa mundong ibabaw, naging biktima sa kasakiman ng isang makapangyarihang tao? Nagalit si Herodes dahil naisahan siya ng mga Mago at hindi natupad ang balak niya na matunton ang sinasabing sanggol na siyang magpapaalis sa kanya sa kapangyarihan ayon sa propesiya. Kung kaya’t ipinag-utos ni Herodes na patayin ang lahat na batang lalaki sa Betlehem at mga karatig pook nito. Ang pagiging gahaman sa kapangyarihan, ang nag-udyok kay Herodes upang iutos ang isang hindi makataong gawain. Hindi nag-iisa si Herodes sa gawain ng pagpatay sa mga batang walang malay. Nangyari din ito sa ating bansa kamakailan sa war on drugs ng pamahalaan. Maraming inosente ang nadamay at napagkamalan! Kung tutuusin, mukhang mas lumala pa nga ang karumal-dumal na gawaing pagpatay sa kasalukuyang panahon bunga ng terorismo, digmaan, lalo na ang tinatawag na aborsyon. Ayon sa mga datos at pag-aaral, milyon ang bilang ng mga namamatay na bata taun-taon dahil sa aborsyon. Tila dumami pa ang kabilang sa hanay ni Herodes dahil sa mga gumagawa ng aborsyon. Kasama na rin ang mga tumatangkilik sa paggamit ng mga contraceptives upang pigilan ang pagbubuntis. Mayroon din namang mga katoliko daw sila, pero taliwas naman ang paniniwala at ginagawa nila sa itinuturo ng Simbahan tungkol sa usaping ito. Mga kapanalig, banal ang buhay, at maituturing ito na pinakamahalagang regalo ng Diyos sa tao. Walang sinuman man sa atin ang may karapatang pumatay, gaano pa kasama o makasalanan ang isang tao. Tanging ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi sa buhay na Kanyang nilikha.