Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 28, 2020 – LUNES Kapistahan ng Mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir

EBANGHELYO:  Mt 2:13-18

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Angel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang sanggol at ang kanyang  ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya inutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa kapistahan ni San Esteban nung Dec. 26, pinaalala sa atin ang pag-uusig. Ngayong Kapistahan ng Ninos innocentes, pinatotohanan na tunay at noon pa man may pag-uusig nang nagaganap.  Masakit sa damdamin na maraming batang nagbuwis ng buhay para sa isang sakim na hari. Iniligtas ng Diyos si Hesus sa kamay ni Herodes sa pamamagitan ni San Jose. Tulad ng dati, wala man tayong narinig na salita, agad tumalima si San Jose. Ang kanyang pagtalima ay bunga ng kanyang malalim na pananalig, mapagpakumbabang puso, at maalab na pagmamahal sa Diyos. Pinabayaan ba ng Diyos ang mga sanggol na pinaslang? Bakit Niya ito pinahintulutan? Siguro’y nasa Diyos lamang ang kasagutan. Pero marapat nating alalahanin na sa paglisan ni Hesus sa mundo, pagtatagumpayan niya ang lahat pati kamatayan, at malamang kapiling at kalaro na niya sa buhay na walang hanggan, ang mga batang maagang nagbuwis ng buhay, para matupad ang pangakong kaligtasan para sa lahat.

PANALANGIN

Panginoon, Turuan mo kaming tumalima tulad ni San Jose, upang sa aming pagsunod sa iyo sa pamamagitan ni Hesus, mapagtagumpayan din namin ang mga pag-uusig ng mundo at sa aming pamumuhay makita at madama nawa ng mga nang-uusig na kami’y mga totoong saksi ng iyong walang hanggang habag at pagmamahal. Amen.