Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 28, 2021 – MARTES Kapistahan ng Mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir

Mapagpalang araw ng Martes kapatid kay Kristo!  Kapistahan ngayon mga Banal na Sanggol na walang kamalayan o Niños Inocentes. Biktima sila ng pagkagahaman sa kapangyarihan ni Herodes na nangambang maagawan ng trono at nakini-kinita ang sanggol na si Hesus na banta sa kanyang pamumuno.   Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang madilim na tagpo ng pagpapatay ni Herodes sa mga batang lalaki sa Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata dalawa, talata labintatlo hanggang labinwalo.

EBANGHELYO: Mt 2:13-18

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Angel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang sanggol at ang kanyang  ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya inutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang tumakas at mamalagi sa isang lugar na malayo sa sarili mong tahanan at mahal sa buhay? Yong kailangan mong umalis para makaiwas sa gulo at anumang kapahamakan, maisalba ang dangal, at manatiling buo ang pagkatao? Sa panahon natin ngayon, meron tayong mga kapatid na nakakaranas ng mga ito. May mga tumatakas, sanhi ng digmaan at kalamidad. Meron din namang nanganganib ang buhay dahil sa paninindigan sa katotohanan. Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ng Holy Innocents— ang mga musmos na nag-alay ng kanilang buhay bilang patotoo sa pagdating ng Mesiyas. Pinapatay sila ni Herodes sa takot na mawalan ng kapangyarihan, dahil pinanganak na ang totoong Hari ng sanlibutan. At ito ang dahilan kung bakit kinailangan ng ating Panginoon na pumunta sa Ehipto. Mga kapatid, nawa’y makahugot tayo ng lakas ng loob at pag-asa sa katotohanang ang Panginoon natin mismo, kasama sina Jose at Maria ay naging refugees din. Kaya alam na alam ni Hesus kung paano usigin, di tanggapin at pagtangkaang patayin. Nawa’y lagi nating isapuso ang diwa ng pagdating ni Hesus—ang pag-ibig ng Diyos Ama na niyakap ang ating pagkatao at nagdulot ng kaligtasan sa lahat.