Ebanghelyo: MATEO 2,13-18
Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Angel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya inutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
Pagninilay:
Sa araw na ito sa oktaba ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesus,ginugunita natin ang mga Banal na Sanggol na nagbuwis ng buhay na mababasa sa ebanghelyo ayon kay San Mateo. Natatangi ang pagdiriwang na ito. Tila nga kabalintunaan ito sapagkat sa kabila ng matitingkad na dekorasyon, sa pagbibigayan ng regalo, sa dami ng mga salu-salo – sa gitna ng lahat ng ito – may inaalala tayong malungkot na kaganapan na nababalot ng karahasan. Ang masaklap pa rito ang mga biktima – ay mga Niños Innocentes – mga Inosenteng sanggol o bata. Sabi pa naman natin – ang pasko ay para sa mga bata. Naalala ko tuloy noong nakaraang undas, nadaanan ko sa sementeryo ang isang maliit na puntod. Nakasulat doon na ito ay para sa mga sanggol na hindi na naipanganak – o silang mga biktima ng abortion o pagpapalaglag ng kanilang ina. Huminto akong saglit at nagdasal. Minsan natutulad na tayo kay Herodes na dala ng labis na poot o galit, nakagagawa tayo ng mga di kanais-nais na bagay tulad ng pagpaslang sa isang musmos na sanggol sa sinapupunan. Huwag sana nating hayaang mabulag tayo ng kapangyarihan, galit, kayamanan, takot, at pagkamakasarili, o maging ng labis na kahirapan sa buhay. Alalahanin natin ang unang pasko, ang pagsilang ng Manunubos – ang Prinsipe ng kapayapaan – ang munting Sanggol sa sabsaban. Mga kapanalig, kung may makikita kayong ganitong mga maliit na dambana na itinalaga ng mga organisasyon ng simbahan tulad ng Knights of Columbus na nakalaang magpaalala at nag-aanyaya, maglaan tayo ng panahon upang ipanalangin ang mga sanggol na ito. Gayundin, patuloy tayong nananawagan sa mga ina o magulang na huwag saktan o ipalaglag ang sanggol sa kanilang sinapupunan. Alam natin na walang kasalanan ang mga sanggol na ito at mayroon silang buhay at halaga.
Magkaisa nawa tayo sa patuloy na paglaban para sa halaga ng buhay, lalo na para sa
mga bata, sapagkat ang bawat araw – hindi lamang Pasko – ay laan para sa mga maliliit na batang ito, sila na kinabukasan ng bayan at ang hinaharap ng Simbahan.
Amen.