Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 29, 2019 – LINGGO Kapistahan ng Banal na Mag-anak, Jesus, Maria at Jose

EBANGHELYO: Mt 2:13-15, 19-23

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito sa Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Pagkamatay ni Herodes, nagpakita sa panaginip ang isang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: “Bumangon ka’t dalihin ang bata at ang kanyang ina at umuwi sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.”

PAGNINILAY: 

Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Madalas kapag nagbibigay ako ng talk o animation sa mga bata o kabataan, at hiningan ko sila ng limang tao o bagay na mahalaga sa kanilang buhay, laging pumapangalawa ang pamilya, kasunod sa Diyos. Nagpapakita lamang ito ng pagpapahalaga natin sa mga taong una nating minahal, ang ating pamilya. Kahit minsan may hindi pag-uunawaan, pero, at the end of the day, ang pamilya ay pamilya.  Mga kapatid, ang Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria at Jose ay nagtuturo sa atin na hindi sapat Ang maging pamilya lamang, kundi maging banal na pamilya katulad nila.  Paano? Sundin natin ang ugnayan ni Maria at Jose kay Jesus. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin upang alagaan at palakihin ang batang si Jesus ayon sa hinahangad ng Dios. Inihanda nila siya sa kabutihang asal at pagmamahal sa Diyos Ama at sa kanyang kapwa. Ganun din si Jesus Kay Maria at Jose. Kahit anak ng Diyos, ibinigay niya ang paggalang, pagsunod at pagmamahal sa kanila bilang kanyang minamahal na mga magulang. Nawa ang Banal na Pamilya ang maging huwaran ng ating pamilya, malayo man sila o malapit sa atin.  

PANALANGIN:

Jesus, Maria at Jose, taos-puso kaming nagpapasalamat sa biyaya ng aming mga Mahal sa buhay. Sila ay napakagandang regalo na natanggap namin lalo na ngayong Kapaskuhan. Idinudulog namin sa inyo ang kanilang mga pangangailangang espiritwal, emosyonal, pisikal at pinansyal.  Kayo na po ang bahala sa kanila.  Amen.