Mapayapang araw ng Miyerkules sa Ikalimang araw sa pagdiriwang ng Pasko. Matutunghayan natin ang kuwento ni Simeon na sabik na sabik makita ang ipinangakong Mesiyas. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata dalawa, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu’t lima.
EBANGHELYO: Lk 2:22-35
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila Jose at Maria ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Naroon sa Jerusalem ang isang taong nagngangalang Simeon totoong matuwid at maka-Diyos ang taong iyon. Hinihintay n’ya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo na hindi s’ya mamamatay hangga’t hindi n’ya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus upang tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Puno pa ng galak ang ating mga puso dahil sa pagsilang ni Hesus, pero nahaharap na tayo sa hamon ng buhay-Kristiyano. (Pagkatapos ipanganak ang isang sanggol, kasunod na iniisip ng kanyang magulang ang pagpapabinyag sa bata. Kapag tinanong ko ang mga magulang kung bakit gusto nilang pabinyagan ang kanilang anak, ang isasagot nila, “para maging Kristiyano”, ibig sabihin tagasunod ni Kristo. Sa pagpapabinyag, ipinapahayag ng magulang ng bata na gusto nilang magkaroon ng bagong identity ang kanilang anak. Mula sa pagiging miyembro ng kanilang pamilya, gusto nilang ang bagong silang na sanggol ay maging anak ng Diyos at kabahagi sa misyon ni Kristo. Sa bagong identity na ito, iikot ang pagpapalaki ng magulang sa kanilang anak upang lumaki siyang mabuting tao, isang Kristiyanong nagsasabuhay ng pangako sa Binyag at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Lahat tayong bininyagan ay kabahagi ng magandang buhay na ito.) Sa Mabuting Balita, hindi binanggit ang pagpapabinyag kay Hesus pero sinabing ang lahat ng bagong silang na sanggol na lalaki ay inihahandog at itinatalaga sa Diyos. Ito ang ginawa nina Maria at Jose bilang masunuring mga Hudyo. At si Hesus ay lumaki sa katawan, kaalaman at grasya.
PANALANGIN
Panginoon, sa papatapos nang Taon 2021, ipinagkakatiwala namin ang aming mga sarili sa patnubay ng Espiritu Santo. Magampanan nawa namin ang aming mga responsibilidad bilang isang binyagan. Maging mga pari nawa kami sa pamamagitan ng patuloy naming pananalangin para sa mga kapatid na naapektuhan ng pandemyang covid-19. Maging mga hari nawa kami sa pamamagitan ng pakikiisa sa buhay sinodalidad ng Simbahan. At maging mga propeta nawa kami, na maninindigang ihalal ang kandidatong maka-Diyos, maka-tao at maka-bayan sa darating na halalan. Amen.