Ebanghelyo: Lc 2:41–52
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahang-loob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.
Pagninilay:
Banal na Pamilya. Anong imahe ang nasa isipan natin kapag sinabing Banal na Pamilya? Marahil ang eksena sa Belen kung saan payapa at tahimik ang lahat. Isang eksena ng natutulog na batang Hesus habang minamasdan at tila pinagninilayan nina Maria at Jose. Habang ang mga anghel naman ay kumakanta ng Silent night, holy night.
Malayo ito sa kwento ng ating Ebanghelyo ngayon. Isang magulo at balisang imahe nina Jose at Maria sa paghahanap kay Hesus. Nawawala ang batang Hesus na naiwan sa templo. Marahil batid ng mga magulang niya ang stress at takot sa mga ganitong pagkakataon. Sinong hindi maguguluhan at mababagabag kapag nawawala ang iyong anak? Ilan lang ito sa mga magugulo at problemadong tagpo sa buhay ni Maria at Jose, kasama si Hesus. At kung titingnan nating mabuti ang mga istoryang ito, kakambal ng kasiyahan ang napakaraming magkakasalungat at iskandalosong tagpo. Nariyan ang muntik ng ipapatay si Maria, ang iskandalo ng kanyang pagdadalang-tao, ang hirap nila sa paglalakbay.
Hindi ito ang ideya natin ng perpektong pamilya. Kung sabagay, hindi naman perpektong pamilya ang ipinagdiriwang natin kundi ang Banal na Pamilya. Nakita natin kung paano pumasok ang Kaligtasan, si Hesus, sa ating istorya. Sa pamamagitan ng isang magulo, problematiko at payak na pamilya ng Nazaret isinilang si Hesus. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, naging sentro ng istorya at buhay pamilya nila si Hesus. Kaya sila tinawag na Banal na Pamilya.
Manalangin tayo. Panginoon, maging sentro ka nawa ng bawat pamilya. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at problema na pinagdadaanan ng bawat pamilya, bigyan mo sila ng katatagan at kapayapaan. Makita ka nawa nila na nananahan sa gitna ng lahat. Amen.