Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 3, 2019 – MARTES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: LUKAS 10:21-24

Nag-uumapawsa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugod-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakila kung sino ang Anak kundi ang Ama, kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbuyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Naranasan mo na bang paasahin sa wala? O pangakuan nang napako? Anong naging feeling mo? Nakakainis ‘no! At nakaka-high blood! Pero ang Diyos hindi po ganon.  Ito ang pinatutunayan ng mga pagbasa ngayon.  Hindi napapako ang pangako ng Diyos. Si Jesus ang katuparan ng pangakong ipinahayag ni Profeta Isaias sa unang pagbasa- ang mesias na maghahari at magbibigay sa atin ng kapayapaan. Nakalulungkot lamang dahil hindi sya nakilala ng mga taong nabuhay sa kanyang panahon.  Mapapalad tayong nakikilala sya at nakadarama ng kanyang galak sa Espiritu Santo at kapayapaan sa ating puso at kalooban.    Ikaw, kapatid, payapa ba ang iyong kalooban? May bumabagabag ba sa iyo? Naguguluhan ka ba sa mga nangyayari sa buhay mo? Subukan mong lumapit kay Jesus at buksan ang iyong puso sa kanyang paghahari. Naalala ko tuloy si Jam, yung guest speaker sa isang youth gathering dito sa convent namin. Dati syang atheist na nasumpungan ni Jesus, at ngayon, isa ng aktibong lay missionary. Ayon sa kanya, matagal na palang gumagalaw ang Diyos sa buhay nya, di lang nya ito napapansin at nauunawaan. Bago pa nya hinanap ang Diyos, matagal na pala syang nasumpungan nito. Kailangan lang nyang matutong magpakumbaba at manikluhod sa Diyos. Doon nya naramdaman ang tunay na galak at kapayapaan sa kanyang kalooban. Mga kapatid, si Jesus ang prinsepe ng kapayapaan, ang katuparan ng pangakong kaligtasan, pero ang mga may pusong malinis at mapakumbaba lamang ang makasusumpong sa kanya. Kaya hingin natin sa Banal na Espiritu na panatilihing bukas ang ating mga mata sa bawat pagdating ng Diyos sa ating buhay.  Amen.