Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 3, 2021 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO | San Francisco Javier, pari

Magandang-magandang araw ng Biyernes sa Unang Linggo ng Adbiyento! Ikatlo ngayon ng Disyembre, ginugunita natin si San Francisco Javier, na isang pari. Siya ang co-founder ng Kapisanan ni Hesus at hinirang na patron ng foreign missions ni Pope Pius X.  Pasalamatan natin ang Diyos kay San Francisco Javier, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating lumago tayo sa pagtitiwala sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos na magpagaling.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa dalawang bulag, sa Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata siyam, talata dalawampu’t pito hanggang tatlumpu’t isa.  

EBANGHELYO: Mt 9:27-31

Sumunod kay Jesus ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang ang gusto ninyong mangyari?”  “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa ebanghelyo ang tagpo ng pagpapagaling ni Hesus sa dalawang bulag na sumisigaw ng “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin.” Sa mga katagang ito, mayroon nang pananalig ang dalawang bulag sa kapangyarihan ni Hesus bilang anak ni David; at pananalig na si Hesus ay nakakapagpagaling. Ang sagot naman sa kanila ni Hesus ay patanong, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” Mahalaga kay Hesus ang pananalig sa kanya ng taong humihingi ng tulong. Kung wala namang pananampalataya ang isang tao sa kanya, wala siyang magagawa para sa taong ito. At dahil naniniwala sa kanya ang dalawang bulag, tinamo nila ang kagalingan.  “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.”  Anongkagalingan ang hinihingi mo sa Panginoon? Tumatawag ka ba sa kanya? Sumusunod ka ba sa kanya katulad ng dalawang bulag na nagtiyaga na sundan si Hesus? At naniniwala ka ba na nais ni Hesus na pagalingin ka?  Sinubukan mo na bang lumapit kay Hesus pero parang hindi ka niya naririnig? Kung ganito ang nangyayari, tatalikuran mo na ba ang Panginoon, o patuloy kang magtitiwala at susundan siya, katulad ng walang pagod na pagsunod sa kanya ng dalawang bulag? Mga kapatid, tandaan natin na lagi tayong naririnig ni Hesus at sinasagot niya tayo. Pero hindi laging sa paraan na gusto natin. Sa halip binibigyan niya tayo ng lakas upang makaya natin ang mga pinagdaraanan sa buhay na ito. Sa spiritual healingnaman na ipinagkakaloob sa atin ni Hesus, nabubuksan ang ating mga mata at nakikita natin ang mas malalim pang kahulugan ng mga pagsubok at paghihirap. Nakikita natin ang mahalagang plano ng Diyos sa atin. Amen.