Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 3, 2023 – UNANG LINGGO SA PANAHON NG PAGDATING NG PANGINOON (B) | Araw ng Katolikong may Kapansanan/ Pambansang Linggo ng AIDS

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Unang Linggo ng Adbiyento. Hudyat ito ng pagsisimula ng Bagong Taong-Liturhiko ng Simbahan.  Happy New Year po sa ating lahat! Nagpapaala-ala ang Panahon ng Adbiyento sa mas malalim na kahulugan ng Pasko na higit nating dapat bigyang halaga o pagtuunan ng pansin. Ang Pasko ang kaganapan ng pangako ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pagpapadala N’ya sa Kanyang Anak na si Hesus. Ang pagsilang ni Hesus sa araw ng Pasko ay naghahatid ng pag-asa, at nagbibigay sa atin ng lakas na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, ang kinabukasan natin ay tiyak, dahil ito’y nasa mapagpalang kamay ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang maging laging handa sa pagbabalik ng Panginoon ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Markos kabanata labin-tatlo talata tatlumpu’t tatlo hanggang tatlumpu’t pito.

EBANGHELYO: Mk 13:33-37

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at magpuyat hindi nga ninyo alam kung kailan ang oras. Ipagpalagay natin na nangingibangbayan ang isang tao. Iniiwan niya ang kanyang bahay at ipinagkakatiwala ang lahat sa kanyang mga utusan. May kanya-kaanya silang tungkulin at inutusan niyang magbantay ang bantay pinto. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang oras ng pagdating ng may-ari, kung hapon o hatinggabi o madaling araw. At baka bigla siyang dumating, at madatnan kayong natutulog. Kaya sinasabi ko rin sa lahat ang sinasabi kong ito sa inyo: Magbantay.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Bagong taon ngayon! Simula na ng panahon ng Adbiyento.  Panahon ito ng paghahanda at pananabik; pag-aantabay para sa pagbabalik ni Hesus, hindi lamang bilang sanggol sa Belen noong Unang Pasko, kundi bilang Hari at Manunubos sa Kanyang pangalawang pagdating.  Sa ating paghahanda, may mga hakbang na maaari nating gawin. Una, inaanyayahan tayo na magdasal. Maglaan tayo ng panahon sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa Diyos sa ating mga panalangin. Pangalawa, inaanyayahan tayo na magbalik-loob. Pagkakataon ito na suriin ang ating mga buhay, kilalanin ang mga pagkukulang, at magbagong-buhay. Pangatlo at huli, inaanyayahan tayo na maglingkod sa ating kapwa. Mga kapatid, sa pamamagitan ng pagmamahalan at pagtutulungan sa isa’t isa, nagiging mga tanglaw tayo sa mundo, na nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa lahat. Nawa’y maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Adbiyento at patuloy tayong maglaan ng oras para sa Diyos, sa pagbabalik-loob sa Kanya, at sa paglilingkod sa ating kapwa.