Mt 2:13-15, 19-23
Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.”
Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo'y dinala ang sanggol at ang ina nito sa Ehipto. Doon sila nanirahan hanggan mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”
Pagkamatay ni Herodes, nagpakita sa panaginip ang isang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: “Bumangon ka't dalihin ang bata at ang kanyang ina at umuwi sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.”
Kaya bumangon si Jose, kinuha ang bata at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel. Ngunit nang malaman ni Jose na si Arkelao ang hari ng Judea, na kahalili ng kanyang amang si Herodes, natakot siyang pumaroon. Kaya ayon sa ibinilin sa kanya sa panaginip, sa Galilea siya nagpunta. Nanirahan sila sa bayang tinatawag na Nazaret. Kaya natupad ang salita ng mga propeta: “Tawagin siyang Nazareo.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, ipinapakita kung anong klaseng proteksyon at pagtatanggol ang ibinigay ng Diyos sa Banal na Mag-anak. Hindi ito naganap sa pamamagitan ng mga kababalaghan, kundi sa pakikinig at pagtalima ni Jose sa mensahe ng Diyos. Sa dalawang pagkakataon, nangusap ang Diyos kay Jose sa panaginip. At hindi niya binigo ang Diyos. Naglakas-loob si Jose na mangibang bayan kapiling ng kanyang mag-ina. Itinaguyod niya ang kanyang pamilya sa Ehipto. Pinalaki din niya ang kanyang anak sa pananampalataya ng kanyang mga ninuno, sa Diyos ng Israel. Kaagapay ni Jose si Maria sa pagtuturo kay Jesus tungkol sa kanilang pananampalataya, at sa pagtanggol kay Jesus laban sa diyus-diyosan ng Ehipto. Mga kapatid, maraming mga panganib ngayon ang kinakaharap ng pamilya – diborsiyo, pag-aasawa ng kapwa babae o kapwa lalaki, kontrasepsyon, aborsyon, pagpatay sa mga magulang na matatanda na at maysakit. Kailangan natin ang magandang halimbawa ni San Jose na naghanap sa kalooban ng Diyos at nakinig sa utos ng Panginoon araw-araw. Kay sarap pagmasdan ang Banal na Mag-anak sa belen habang napapalibutan sila ng mga pastol at mga pantas, at habang napapaligiran ng mga tupa at nakatanod naman ang mga anghel mula sa Langit. Tunay ngang isang gabing payapa ang belen! Pero ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak, isa ring panggulantang. Isang araw pagkaraan ng Pasko, tinutulungan tayong humarap sa mapait na katotohanan ng buhay – kung paanong bawat pamilya’y dumaraan sa pagsubok tulad ng paghihirap, di pagkakaunawaan, at mabigat na karamdaman. Malalampasan ng bawat pamilya ang lahat ng unos sa buhay; ito ang magandang balitang makikita natin sa tapat na pagsunod ni Jose sa kalooban ng Diyos. Panginoon, sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng aming pamilya, manatili nawa kaming matapat sa pagsunod Sa’yo. Amen.