Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 30, 2019 – LUNES IKA-6 ARAW SA PAGDIRIWANG NG PASKO

EBANGHELYO: Lk 2:36-40

May isang babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpo’t apat na taon na siya. Sa pag akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

PANALANGIN:

Isinulat ni Bro. Jeuglen Legitimas ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Marahil si Propeta Ana sa kanyang katandaan at pagiging balo ay hirap na hirap sa kanyang estado. Pero hindi ito naging dahilan upang malugmok at maging malungkot siya sa buhay. Sa halip, ibinuhos niya ang kanyang nalalabing buhay sa dasal at pasasalamat sa Diyos. Di’ siya nabigo, dahil dasal at pananalig sa Diyos ang naging lakas at sandigan niya. Nang sumapit ang araw, na nakita niya si Hesus, nabuhayan siya ng pag-asa! Napatunayan niyang tapat ang Diyos sa kanyang Pangako. Ipinahayag niya sa templo ang kagalakan na lubos niyang nadarama.  Mga kapatid? Kanino ka ba nananabik? Nananabik ka pa rin ba sa mga ipinangako ng Diyos? Ang langit, hustisya, kapayapaan, kagalakan at pag-ibig? Nananabik ka pa rin ba sa langit? Huwag nawa tayong magsawang manalig at manampalataya. Si Anna na modelo ng pananampalataya ang nagsasabi sa ating, huwag nang mangamba, TAPAT ang Diyos na sa ati’y magliligtas. 

PANALANGIN:

Panginoon, sa kabila ng samu’t saring problema na pinagdadaanan namin ngayon, sa aming pamilya, bansa, maging sa buong mundo… humugot nawa kami ng lakas at pag-asa sa Panginoong Jesus na ipinanganak sa sabsaban.  Nawa’y ang aming pagsariwa sa Kanyang unang pagdating ngayong Kapaskuhan, magdulot sa amin ng ibayong pananampalataya at pagtitiwala, na kailanman hindi Mo kami pababayaan.  Amen.