Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 30, 2020 – MIYERKULES – IKA-6 NA ARAW SA PAGDIRIWANG NG PASKO

EBANGHELYO:  Lk 2:36-40

May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni John Alfred Rabena ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maraming eksena sa ating buhay kung saan napapapikit tayo sa pananabik o pagkainip matapos ang mahabang paghihintay sa isang grandyosong bagay o kaganapan.  Isang halimbawa ay ang pagsilang ng isang anak. Habang naghihintay ang mga kapamilya’t kaibigan sa labas ng delivery room, napapapikit sila sa panalangin upang maging matagumpay ang panganganak. (Sa Miss Universe pageant, habang hinihintay ng mga kandidata at ng madla ang resulta, napapapikit sila sa magkahalong pananabik at kaba. Sa pag-aanunsyo ng Board Exam results, napapapikit at naghahawak-kamay ang mga magkakamag-anak habang naglo-load ang listahan ng mga board passers sa internet.// Sa lahat ng mga sitwasyong ito, mararamdaman ang masidhing pag-aasam sa pagkamit ng isang malaking bagay o di kaya’y isang life-changing event. Mayroong masidhing pagnanais sa isang bagay na itinuturing bilang regalo o kaloob mula sa itaas.) Ganito rin siguro ang naramdaman ni Anna sa ating Ebanghelyonoong iharap na ang sanggol na si Hesus sa templo kung saan siya’y nag-ayuno at nanalangin nang mahabang panahon. Ilang taon siyang pumikit at nagsumamo sa Diyos ng Israel upang ipagkaloob na ang tagapagligtas sa Kanyang bayang inalipin ng kasalanan at ng mga dayuhang mananakop. At nang masilayan niya ang sanggol matapos ang maraming taon, napuno siya ng kagalakan dahil hindi siya kinalimutan ng Panginoon at binigyan siya ng pagkakataong makita ang tagapagligtas kahit siya’y matanda na.// (Kamangha-mangha ang pananampalataya ni Anna. Sa mahabang pakikipag-ugnayan sa Panginoon, nakilala niya ang manunubos na kanyang hinihintay at inaasam-asam.) Kadalasan sa ating paghihintay, tayo ay naiinip o nawawalan ng gana. Pero kakaiba ang ipinakitang dedikasyon ni Anna. Hindi lamang masidhi ang kanyang pag-aasam na makatagpo ang tagapagligtas, kundi siya ay nagpuri sa Panginoon at nagpahayag tungkol sa mabuting balita ng kaligtasan. (Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na hingin ang grasya mula sa Diyos upang maging masidhi rin ang ating hangaring matanggap si Hesus sa ating buhay. Hingin natin ang Kanyang biyaya upang patuloy tayong maging alerto at masugid sa pagpapatuloy kay Hesus kahit sa mga pangkaraniwang yugto ng ating buhay.)  

PANALANGIN

Panginoong Hesus, halina’t manahan ka sa aking puso. Tulad ni Anna sa Ebanghelyo, inaasam-asam ko ang iyong presensya dahil wala nang makapagbibigay pa sa akin ng tunay na kaligayahan kundi Ikaw lamang, Hesus. Amen.