Isang pinagpalang araw ng Huwebes kapatid kay Kristo! Ikaanim na araw ngayon sa pagdiriwang ng Pasko/ at Piyesta opisyal sa’ting bansang Pilipinas/ bilang paggunita natin/ sa ika-isandaan dalawampu’t-limang (125) taong anibersaryo ng kamatayan/ ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Pasalamatan natin ang Diyos kay Dr. Jose Rizal/… at idalangin natin pag-alabin sa ating puso ang kabayanihan lalo ngayong panahon ng pandemya/ ang pagnanais na magtaya ng buhay/ upang magbigay buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Kilalanin natin ang isa pang matandang propeta/ na magpapatotoo tungkol sa sanggol na si Hesus, sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata dalawa, talata tatlumpu’t anim hanggang apatnapu.
EBANGHELYO: Lk 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Isinulat ni Ms. Marissa Manigbas ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. (Marami sa atin ang natuto ng unang pag aantanda ng krus sa mga matatanda, at isa ako sa dyan. Hinahawakan ng ating mga lola o lolo ang ating kamay upang ituro ang pag-aantanda ng krus, at napakasaya nila kapag nagawa natin ito, marami din tayong natutunan sa mga matatanda lalo na sa ating pananampalataya.//) Binigyang pansin ng Mabuting Balita ngayon, ang matandang propetang si Ana na matagal nang naghihintay sa templo sa pagdating ng Mesiyas. Kasamahan sya ni Simeon, at noong nakita nya si Hesus, ipinahayag nya ang tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem.// Punong-puno ng pag-asa si Propeta Ana sa kabila ng kanyang katandaan. Sa kanyang kagalakan, hindi nya napigiligang ipahayag ang kanyang nasaksihan, nagbibigay sya ng pag-asa sa mga taong nakapaligid sa kanya.// Ang Diyos ay may nakatakdang panahon sa lahat. Hindi nakakalimot ang Diyos sa kanyang pangako. Pero kung minsan, tayo ang nakakalimot sa mga pangako natin sa Diyos. Binigyang katuparan ng Diyos ang panalangin at pag-asa ni Propeta Ana at hindi sya binigo ng Diyos. Sa kabilang dako, hindi naman nawalan ng pag-asa si Propeta Ana, kundi pinagtibay pa nya ang kanyang panalangin sa gabi at araw. Masasabi din nating mapalad sya dahil sa kabila ng kanyang katandaan, napakita sa kanya si Hesus.// Mga kapatid, maari rin tayong maging katulad ni Propeta Ana, maari nating papurihan ang Diyos at ikuwento natin sa iba ang kaligtasan na dala ni Hesus lalo na sa nawawalan ng pag-asa.// Patapos na ang taon, isang araw na lang! aalis na ang lumang taon at magiging bago na ito! Handa ka na bang magpahayag tungkol kay Hesus? Gawain mo ito, bilang panimula ng bagong taon mo!