BAGONG UMAGA
Maligayang Ika-anim na araw ng Pagdiriwang natin ng Pasko. Pasalamatan natin ang Diyos sa Panahong ito ng kapaskuhan at namnamin ang saya at ligayang pinagsaluhan natin sa mga nagdaang araw. Ginugunita din natin ngayon ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, sa kanyang ika-isandaan dalawampu’t-pitong (127) taong anibersaryo ng kamatayan. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Isa muling propeta ang makikilala natin na magpapatotoo tungkol sa batang si Hesus. Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawa, talata tatlumpu’t anim hanggang apatnapu.
EBANGHELYO: Lk 2:36-40
May isang babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis ng bahay sa kanyang ama, pitong taon lang siya nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagpuri tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Galing sa Betlehem, dinala naman tayo ngayon ni San Lukas sa templo. Naroon si Propeta Ana, “lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.” Hindi lamang sa Jerusalem, dumating si Hesus upang palayain tayong lahat sa pagkaalipin sa kasalanan. Agad-agad bang isinakatuparan ang kalooban ng Ama para kay Hesus? “Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Ang bata’y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.” Sa isang payak na tahanan sa piling ng kanyang mga magulang lumaking malusog si Hesus, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos. Mga kapatid, pangkaraniwan man ang ating pamumuhay, sa tulong at awa ng Panginoon, maaari itong maging kalugod-lugod sa Kanya. Katulad ni Propeta Ana, ni San Jose, at Birheng Maria, ituon ang lakas nating taglay sa pagmamahal sa Diyos at pagsabuhay ng kanyang Salita, sa paglilingkod, at sa pag gawa ng mabuti. Sa mga kamag-anak Niyang hindi naniniwala sa kanya, sinabi ni Hesus, ““Hindi pa dumating ang aking panahon.” Kapatid, God’s timing is everything. Magsumikap tularan si Hesus, mamuhay ng kalugod-lugod sa Diyos, magtiwala sa Kanyang pamamaraang maisakatuparan ang Kanyang kalooban, ayon sa panahong kanyang itinakda. Huwag manghinawa, manalig sa Kanya, magtiwala.