Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay:
Mahirap ang buhay ni Ana dahil isa siyang babae, matanda na, at balo. Mga katangian na noong panahong iyon ay minamaliit at hindi iginagalang. Ngunit sa kabila ng lahat, naglagi si Ana sa templo; madasalin siya at buo ang pananalig niya sa Panginoon. Buong-buhay niyang hinintay ang kaligtasan ng Israel, na umaasa sa kaluwalhatian at kabutihan ng Diyos. Pinagpala siyang makita ang batang si Hesus nang dalhin ito sa templo, at nagpasalamat si Propeta Ana sa Diyos.
Ano ang matututunan natin sa buhay ni Propeta Ana?
Una: sino man tayo, babae, lalaki; matanda o bata; balo o may pamilya, magtiwala tayong darating si Hesus sa ating buhay at gagabayan Niya tayo patungo sa Ama;
Pangalawa: ang panalangin ang ilaw ng ating kaluluwa. Kaya’t kung gusto nating makilala at maging malapit kay Hesus, kailangang maging mahalaga ang panalangin sa ating buhay;
At Pangatlo: kapag tayo ay naging malapit na kay Hesus, gugustuhin nating ibahagi ang karanasan ng Kanyang pagmamahal at ang Mabuting Balita sa iba.
Mga kapanalig, ngayong patapos na ang taon, tanggapin natin ang imbitasyon ni Propeta Ana na isabuhay at ibahagi ang kaluwalhatian at kabutihan ng Diyos sa atin. Isang mapagpala at maligayang Bagong Taon sa lahat!