Jn 1:1-18
Sa simula'y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula.
Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan.
May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa Liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan. Hindi iyon ang Liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao.
Bagamat nasa mundo siya, at sa pamamagitan niya nagawa ang mundo, hindi siya kilala ng mundo.
Sa sariling kanya siya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya.
… At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos siya ng Kagadahang-loob at Katotohanan.
Nagpapatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: Nagpauna na sa akin ang dumating na kasuod ko, sapagkat bago ako'y siya na.”
Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat,oo, abut-abot na kagadahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang Kagadahang-loob at ang Katotohanan. Kailanma'y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.
PAGNINILAY
Mga kapatid sa huling araw na ito ng 2016, napakaganda ng Ebanghelyong ating narinig tungkol sa Pasimula ng kasaysayan ng Pag-ibig ng Diyos sa tao. Napakagandang isipin na ang lahat naganap ayon sa plano ng Diyos. Sa pamamagitan ng Anak na nagkatawang-tao –minarapat Niyang ipakita at ipakilala ang Diyos na di nakikita, sa sanlibutan. Sa huling araw na ito ng taon, makabubuting maglaan tayo ng panahon para manahimik at balikan ang papatapos ng Taon. Magsulit tayo ng sarili kung naisabuhay ba natin ang ating New Year’s resolutions: nangingibabaw ba ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa ating pakikitungo sa kapwa? nagampanan ba natin ang ating tungkulin sa Diyos, sa pamilya, sa bayan, sa ating trabaho ayon sa diwa ng tunay na paglilingkod? naging daluyan ba tayo ng biyaya at pagpapala para sa iba? Habang papatapos na ang taon 2016, makabubuting sagutin natin nang buong katapatan ang mga tanong na ito, bilang paghahanda sa bagong taong darating. Kung nagkulang man tayo at maraming hindi naisabuhay sa ating mga new year’s resolutions, muling nating ihabilin sa Diyos ang ating mabubuting hangarin at hilingin ang biyayang matupad na ang mga ito sa tulong ng Kanyang biyaya.