Daughters of Saint Paul

Disyembre 31, 2017 Linggo Ika-7 Araw sa Pagdiriwang ng Pasko / Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria at Jose

LUCAS 2:22-40

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon—tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon. “Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon, dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares ng batubatu o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon, hinihintay nya ang pagpapaginhawa ng Diyos sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo, ipinaalam naman ng Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Miseyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin nang mga magulang ang batang Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi:  “Mapapayao mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at luwalhati sa bayang Israel.” May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel, na mula sa tribo na mula sa tribo ng Aser, matandang-matanda na siya, pagkaalis sa bahay ng kanyang ama pitong taon lamang siyang nagsama ng kanyang asawa at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa templo. Araw at gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pagaayuno at pananalangin, walumpu’t apat na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan sa Nazareth sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata na puspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang loob ng Diyos.

PAGNINILAY:

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose, napakagandang pagnilayan kung paano namuhay ang mag-anak sa pagtalima sa Batas ng Panginoon. Nagpasakop at tumupad sila sa Batas ni Moises.  Kaya itinaguyod at iningatan sila ng Diyos Ama sa mga pagsubok na kinaharap nila sa buhay. Mga kapatid, sa pagtatapos ng Taon 2017 at pagsisimula ng Bagong Taon bukas, nakapagandang balikan kung paano tayong namuhay bilang isang mag-anak.  Naghari ba ang tunay na diwa ng pag-ibig, pagtutulungan, pagdadamayan at pagmamalasakitan sa ating pamilya?  Kung hindi pa, huwag tayong mawawalan ng pag-asa.  Hilingin natin ang tulong-panalangin ng Banal na Mag-anak na basbasan ang bawat miyembro ng ating pamilya na maging masunurin sa ipinag-uutos ng Diyos na magmahal at magpakabanal hanggang wakas.  Amen.