Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 31, 2019 – MARTES IKA-7 ARAW SA PAGDIRIWANG NG PASKO

EBANGHELYO: Jn 1:1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa Liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan. Hindi iyon ang Liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya, at sa pamamagitan niya nagawa ang mundo, hindi siya kilala ng mundo. Sa sariling kanya siya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. … At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita niya  ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos siya ng Kagadahang-loob at Katotohanan. Nagpapatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: Nagpauna na sa akin ang dumating na kasuod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat,–oo, abut-abot na kagadahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang Kagadahang-loob at ang Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, si Jesus ang nagdala ng kaayusan sa mundo matapos na ito’y sirain ng ating unang magulang. Sa pamamagitan ng handog N’yang kaligtasan, pinanumbalik N’ya ang ating nasirang relasyon sa Ama, at naging marapat tayong tawaging mga anak ng Diyos. Pasalamatan natin ang Ama sa dakilang karangalang maging Kanyang mga anak, at maging kapatid ng Panginoong Jesus. At sa huling araw na ito ng 2019, maglaan tayo ng panahong balikan ang papatapos nang taon. Bilangin natin ang lahat ng biyayang tinanggap natin, ganun din ang hirap at pasakit na ating pinagdaanan at nalagpasan sa tulong ng Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos sa lahat ng ito, dahil muli N’yang pinatunayan ang Kanyang walang hanggang paglingap at pagmamahal. Ialay din natin sa Kanya ang mabubuti nating hangarin sa Bagong Taon 2020 at hilinging pakabanalin ito sa tulong ng Kanyang biyaya.  Mga kapatid, isang masagana at mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!