Purihin ang Diyos sa huling araw ng Taon 2021. Pasalamatan natin Siya sa di mabilang na mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa buong taon, lalo na ang biyayang buhay pa tayo sa kabila ng pandemya. Humingi rin tayo ng kapatawaran sa maraming pagkakataong nagkulang tayo sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Juan kabanata isa, talata isa hanggang labinwalo.
EBANGHELYO: Jn 1:1-18
Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos sa ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo naman dumating ang kagandahang-loob at ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.
PAGNINILAY
Mga kapatid, si Hesus ang nagdala ng kaayusan sa mundo matapos na ito’y sirain ng ating mga unang magulang. Sa pamamagitan ng handog N’yang kaligtasan, pinanumbalik N’ya ang ating nasirang relasyon sa Ama, at naging marapat tayong tawaging mga anak ng Diyos. Pasalamatan natin ang Ama sa dakilang karangalang maging Kanyang mga anak, at maging kapatid ng Panginoong Hesus. At sa huling araw na ito ng 2021, maglaan tayo ng panahong balikan ang papatapos nang taon. Bilangin natin ang lahat ng biyayang tinanggap natin, ganun din ang hirap at pasakit na ating pinagdaanan dulot ng pandemya. Pasalamatan natin ang Diyos sa lahat ng ito, dahil muli N’yang pinatunayan ang Kanyang walang hanggang paglingap at pagmamahal. Ialay din natin sa Kanya ang mabubuti nating hangarin sa Bagong Taon 2022, lalo na ang isang mapayapa, malinis at makatotohanang Pambansang Halalan 2022. Muli po, isang masagana at mapayapang Bagong Taon sa ating lahat!