Daughters of Saint Paul

Disyembre 31, 2024 – Martes | Ika-7 Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang | Paggunita kay San Silvestre I, papa

Ebanghelyo:  Juan 1,1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos sa ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Hesukristo naman dumating ang kagandahang-loob at ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

Pagninilay:

Noong ikalawang araw ng Simbang gabi, kung kayo po’y nagsimba at naalala ninyo ang binasang ebanghelyo, isinalaysay po sa atin ang genealogy—o talaangkanan ni Hesus. Listahan ng mga tao mula kay Abraham hanggang kay Jose na kanyang ama dito sa mundo. Sa ating ebanghelyo ngayong araw, narinig natin ang sinasabing totoong talaangkanan ni Hesus… Siya’y mula sa Diyos, salita ng Diyos, nagkatawang-tao, at nakipamuhay sa atin.

Ngayong nasa tugatog pa tayo ng saya at galak hatid ng kapaskuhan, huwag nawa natin kalilimutan na ang Diyos na nagkatawang-tao—si Hesus—ay nakipamuhay kapiling natin. Siya ang dakilang kaloob ng Diyos na marapat nating ingatan sa ating mga puso, upang maihatid din natin ang kagalakan ng kanyang pagliligtas sa ating kapwa.

Sana po huwag matapos ang taon na hindi natin tangan si Hesus sa ating puso. At ito’y mapatutunanayan lamang kung nagsisikap tayong mamuhay nang tapat sa kanya, naglilingkod, nagmamahal, nagpapatawad, kumakalinga, at umuunawa sa isa’t isa.

Pagpalain nawa tayo ng Diyos! Amen.