Daughters of Saint Paul

Disyembre 4, 2017 Lunes sa Unang Linggo ng Adbiyento

MATEO 8:5-11

Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ng paghihirap.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: Pumaroon ka, pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: Pumarito ka at pumarito siya; at sa aking katulong: Gawin mo ito, at ginagawa niya.”

Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo: marami pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa Kaharian ng langit.”

PAGNINILAY

Mga kapanalig, kahanga-hanga ang ginawang pagpapakababa ng kapitan sa Ebanghelyo.  Namagitan siya, nagmakaawa kay Jesus na pagalingin ang kanyang katulong.  Maging ang Panginoon humanga sa kanyang kababaang-loob at malasakit sa kanyang katulong.  Dahil kadalasan, mababa ang tingin ng marami sa kanilang mga katulong.  Palibhasa marami sa kanila ang galing sa mahirap na pamilya at di nakapag-aral – hindi makatao ang turing sa kanila ng kanilang amo.  Minamaltrato pa nga ang iba.  Kaya tunay na huwaran ang kapitan sa ebanghelyo ngayon, dahil sa kanyang kabutihang-loob at malasakit sa kanyang katulong.  Ayon sa isang Indian na manunulat na si Rabindranath Tagore, “Napapalapit tayo sa mga dakila, kapag dakila tayo sa pagpapakababa.”  Ito ang aral na makukuha natin sa Ebanghelyo ngayon – ang kahalagahan ng pagpapakababa.  Makapangyarihan ang kapitang lumapit kay Jesus, pero hindi ito naging hadlang para magsumamo siya para sa kagalingan ng kanyang katulong.  Ipinamintuho niya kay Kristo ang pagpapagaling sa kanyang alipin na may sakit; at marubdob ang kanyang pag-amin na kahit sa tahanan ng isang opisyal na tulad niya, hindi siya karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon.  Para kay Jesus, ang pagkilos na ito ng kapitan, tanda ng isang tunay na may kapangyarihan.  Mga kapanalig, sa pasimula ng panahon ng Adbiyento, inaanyayahan tayo na pagnilayan ang kadakilaan ng pagkakatawang tao ng Panginoon.  Ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, nagpakababa at naging isang sanggol.  Sikapin natin sa araw na ito, at sa mga susunod na araw na tularan ang kababaang-loob ng Diyos.