Maligayang araw ng Sabado sa Unang Linggo ng Adbiyento. Ikaapat ngayon ng Disyembre, ginugunita natin si San Juan ng Damasco, pari at pantas ng Simbahan. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito. At sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating magpadala ang Panginoon ng mga manggagawa sa kanyang ani. At sana, isa tayo sa tutugon sa paanyaya ng Panginoon na maging katuwang niya sa misyon, ano man ang estado natin sa buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata siyam, talata tatlumpu’t lima hanggang kabanata sampu talata isa, lima, anim hanggang walo.
EBANGHELYO: Mt 9:35-10:1, 5a, 6-8
Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay ninyo nang walang bayad ang tinanggap ninyo nang walang bayad.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa gitna ng pandaigdigang krisis pangkalusugan na patuloy nating kinakaharap, marahil marami sa atin ang nagtatanong: Nasaan na ba ang awa ng Diyos? Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin tayo nakakaahon? May katapusan pa ba ang lahat ng ito? May mga nagnilay at nagsabi: “hindi na tayo kagaya ng dati matapos man ang pandemyang ito.” Actually, sang-ayon ako sa kanila. Hindi na nga tayo magiging katulad ng dati kasi may magbabago sa atin. At sa tingin ko, ito’y isang magandang pagbabago. Sa Mabuting Balitang narinig natin, nahabag si Hesus sa maraming tao na nangangailangan ng kaginhawaan at kaligtasan mula sa anumang uri ng sakit at hapis, pisikal man o espiritwal. Dahil sa laking awa Niya, tumawag si Hesus ng mga alagad upang maging kaagapay Niya sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Mga kapatid, totoo na may awa ang Diyos at naririto Sya nananahan sa atin. Ikaw at ako ay tinatawag Niyang maging manggagawa sa Kanyang anihan. Ang bawat isa sa atin ay nakatanggap din ng biyaya upang isabuhay ang misyon ng Panginoon sa gitna ng krisis na ating pinagdadaanan. Kapag niyakap natin ang misyong ito, hindi na nga tayo magiging katulad ng dati.