Daughters of Saint Paul

Disyembre 4, 2024 – Miyerkules ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o kaya Paggunita kay San Nicolas, obispo

Ebanghelyo:  MATEO 15:29-37

Pumunta si Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nila na nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan, at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” “Ilan bang tinapay meron kayo?” “Pito at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at inibigay sa kayang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong punong bayong.

Pagninilay:

Dalawang uri ng milagro ang nasaksihan natin sa ebanghelyo ngayon: Una, ang pagpapagaling ng Panginoong Jesus sa mga maysakit. At ikalawa, ang pagpapakain niya sa mga taong tatlong araw nang sumusunod sa kanya. Dinala ang mga maysakit ng kanilang mga mahal sa buhay sa paanan ng Panginoong Hesus upang kanyang pagalingin. Nagsumamo sila at hindi sila nabigo.

Ngunit kusang ginawa ng Panginoon ang pagpapakain sa mga taong sumusunod sa kanya. Nahabag siya sa kanila. Naramdaman niya ang gutom at pagod na hindi nila inalintana, makasunod lang sa kanya.

Tunay na mahabagin ang Panginoong Jesus. Pinatutunayan sa ebanghelyo na tarok ng Panginoon ang ating puso. Nakikita niya ang ating matinding pangangailangan at damdamin, bago pa natin ito sambitin.

Kapanalig, sa mga sandaling nanghihina tayo, sa mga panahong parang gusto na nating sumuko sa pakikibaka, huwag nating kalimutan: may Diyos tayong mapagmahal at mahabagin. Wala tayong maililihim sa kanya.

Manalangin tayo: Panginoon, ikaw po ang nakakaalam ng lahat ng aming dalahin sa buhay: ang aming mga tuwa at kalungkutan, ang aming tagumpay at kabiguan. Bago pa man bigkasin, alam mo na ang aming saloobin. Walang maitatago sa iyo. Isinusuko namin sa iyong kadakilaan ang lahat-lahat ng aming mga pasanin. Alam naming hindi mo po kami pababayaan. Maraming salamat po! Amen!