EBANGHELYO: MATEO 7:21, 24-27
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. “Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang matibay na gusali, nakasalalay sa matibay na pundasyon nito. Alam natin na kung sa pagtatayo ng gusali, gagamitan natin ito ng mahinang materyales, tiyak na marupok ang gusali, at madali itong maitutumba tulad ng lindol! Ganun din naman sa ating buhay-pananampalataya, katulad din ng pagtatayo ng gusali. Kung hindi natin naturuan ang mga kabataan sa ating buhay pananampalataya at pag-ibig sa Diyos, mahina ang kanilang pundasyon dito. Wala silang kakayanang makita ang mahiwagang pagkilos ng Diyos sa gitna ng mga pagsubok ng buhay, at madali silang ma-depress at panghinaan ng loob. Kung napapansin natin ngayon, maraming mga kristiyano ang hindi na batid o alam ang katuruan ng pananampalataya. Bakit po kaya? Siguro, dahil maingay na ang mundo natin ngayon; maraming distractions katulad ng pagiging babad sa social media at online games; at marami na ang takot sa katahimikan, lalo na sa mga kabataan. Kapag nag long travel o nag-aantay sa pila, laging may nakapasak na earphones para makinig ng music o manood ng videos. Walang panahong maglaan ng sandaling katahimikan para makipag-usap sa Diyos. Mga kapatid, tanging sa katahimikan ng ating puso nangungusap ang Diyos. Hamon ito sa ating lahat na sa gitna ng maingay nating mundo ngayon, makapaglaan pa rin tayo ng ilang sandali araw-araw para sa isang tahimik na panalangin, magbasa at magnilay ng Salita ng Diyos, nang sa gayon makatugon tayo sa hamon ng Ebanghelyo ngayon na maisapuso at maisagawa ang kalooban ng Diyos.
PANALANGIN:
Panginoon, tulungan Mo po akong makapagpatotoo sa aking pananampalataya – sa salita at gawa. Sa tulong ng Banal na Espiritu, hubugin Mo po ako Sayong pagmamahal nang maging daluyan din ako ng pagmamahal sa aking kapwa, Amen.