EBANGHELYO: Mt 9:35 – 10:1, 5a, 6-8
Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay ninyo nang walang bayad ang tinanggap ninyo nang walang bayad.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. (Matinding pagkahabag ang nadama Jesus nang makita niya ang makapal na tao. Nahabag sa kanila sapagkat sila ay nahahapis at nanlulupaypay na waring mga tupang walang pastol.) Niyakap ni Jesus ang pagiging isang Guro na nagtuturo sa atin ng tunay na pagmamalasakit at pagmamahal. Karaniwan Niyang ginagawa ang maghayag ng Mabuting Balita at magpagaling ng mga maysakit. Minumulat niya ang mga tao sa katotohanan na magbibigay ng kahulugan sa buhay. Ito rin ang kahalagahan ng ating patuloy na pakikinig at pagninilay sa salita ng Diyos. Binubusog tayo sa mga bagay na makalangit. Inihahanda tayo para sa mga himala at pagpapala ng ating Diyos. Si Jesus ang ating mabuting Pastol. Tinatawag Niya tayong tularan ang kanyang halimbawa sa tunay na pagkalinga sa ating mga kapatid na nangangailangan. Tumugon tayo sa kanyang panawagan na maging mabuting pastol sa ating kapwa. Magabayan sana natin ang mga kabataang nahihirapan nitong panahon ng pandemia. Kahit na rin simpleng suporta sa ating mga guro at mga magulang. Makapagbahagi ng makakain kahit sa isang front-liner o maging sa isang back-liner. Mag-alay tayo ng panalangin para sa mga taong nahahapis at nanlulupaypay na. Tumugon tayo sa panawagan ni Jesus! “Idalangin niyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Ngayong bagong panahon ng adbiyento, nawa’y maging panahon ito ng isang masaganang ani para sa kaharian ng Dios. Amen!