Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 5, 2021 – IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO (K)

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Pasalamatan natin Siya sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw.  Ihabilin natin sa Kanya ang buong maghapon at hilinging pakabanalin ito sa pamamagitan ng pagdalo natin sa Banal na Misa, at sa ating personal na pagdarasal.  (Napakahalagang araw din ito para sa pamilya para makapagbonding at mapalalim ang ugnayan.  Kaya huwag nating sasayangin ang banal araw na ito sa paggawa ng kasalanan, sa halip gamitin ang bawat sandali para mapapurihan ang Diyos.)  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang panawagan ni Juan Bautista na “Magbalik-loob sa Diyos; at ihanda ang daraanan ng Panginoon,” sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata tatlo, talat isa hanggang anim.

EBANGHELYO: Lk 3:1-6

Ito ang nangyari sa ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Gobernador noon ng Judea si Poncio Pilato at mga tetrarka si Herodes sa Galilea, si Felipe na kapatid nito sa Iturea at Traconitide, at si Lisanias sa Abilene; sina Anas at Caifas naman ang mga Punong-pari nang panahong iyon. At noon dumating kay Juan na anak ni Zacarias ang salita ng Diyos sa disyerto. Ipinahayag ni Juan ang binyag na may pagbabalik-loob sa kapatawaran ng mga kasalanan, at nilibot niya ang buong rehiyon sa tabi ng Jordan. Nasusulat nga sa aklat ng pahayag ni Propeta Isaias: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas. Patataasin ang bawat lambak at pabababain ang bawat bundok at burol. Papatagin ang mga batong kinatitisuran at papantayin ang lupang lubak-lubak. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.”  

PAGNINILAY

Narinig nating ipinaliliwanag ni Lukas sa Ebanghelyo ang panahon, lugar at ang mga kinatawan ng Imperyo Romano.  Sinadya ito upang maipakita na ang nilalaman ng salaysay tungkol kay Juan Bautista, ay hindi isang pawang kuwento, kundi isang katotohanan sa kasaysayan.  Binanggit ni Lukas ang mga kilalang pulitiko at relihiyosong pinuno sa mundo ng mga Judio, pero walang pinili ang Diyos sa kanila. Sa halip, pinili ng Diyos ang isang hamak at di-kilalang tao na nagtatago sa ilang – si Juan Bautista.  Mga kapatid, si Juan Bautista ang pinili ng Diyos Ama na maging tagapaghanda sa daraanan ng Kanyang Anak na papasok sa’ting kasaysayan.  Mensahe ng pagbabalik-loob ang kanyang ipinanawagan.  Bakit pagbabalik-loob? Dahil lahat tayo’y mahina at nagkakasala.  At para maging karapatdapat tayo sa pagdating ng Panginoon, dapat nating pakalinisin ang ating puso sa mga kasalanang nagbubulid sa ating kaluluwa.  Suriin mo ang iyong sarili, kapatid… Anu-ano bang kasalanan ang hindi mo maiwasan at paborito mong gawin nang paulit-ulit?  Anong mga kasalanan ang naglalayo sa’yo sa Diyos at sumisira ng iyong relasyon sa kapwa?  Ngayong panahon ng Adbiyento, maglaan tayo ng panahong usisain ang ating budhi…  Ito ang pinakamainam na paghahanda na maaari nating gawin – ang maglaan ng panahong manahimik, manalangin at suriin ang ating budhi.