BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes sa Unang Linggo ng Adbiyento. Pasalamatan natin ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang mapapurihan Siya sa ating buhay. Araw-araw, nangungusap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita, at ng mga karaniwang kaganapan sa’ting buhay. Pero ilan ba sa atin ang mulat sa katotohanang ito? Ilan sa atin ang nakakikita ng Kanyang mahiwagang pagkilos sa’ting buhay? Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu, talata dalawampu’t isa hanngang dalawampu’t apat.
EBANGHELYO: Lk 10:21-24
Nag-umapaw sa galak sa Espirito Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud- lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, kung sino ang Ama kundi ang Anak at kung sinumang gustuhing pagbagunyagan ng Anak” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “ Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang iyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong narinig pero hind nila narinig”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Marahil ang pamantayan ni Hesus, ay hindi katulad ng pamantayan ng mundo. Marahil may ibang paraan ng pagtingin si Hesus, hindi katulad kung paano tayo tinitingnan ng mundo. Sa panalangin ni Hesus sa kanyang Ama, itinuturing ni Hesus na mapalad ang mga may kababaang loob; higit pa sila sa mga marurunong at may kapangyarihan. Dahil sa mga katulad nila inilahad ng Diyos, ang kanyang paghahari. At tanging sa pagkakaroon lang ng kalooban tulad ng isang bata – may kababaan, may kapayakan at may pagtalima sa Diyos – matatamo natin ang paghahari ng Diyos. Mga kapatid, sinasabing ang Adbiyento ay panahon ng paghahanda. Maraming tayong ginagawang paghahanda ngayong papalapit na ang kapaskuhan. Maraming na ang nag-iisip ng mga pang regalo, kung ano ang isusuot sa party, kung paano magiging magarbo ang pagdiriwang. Pero huwag din nating kalilimutan ang paghahanda ng ating kalooban. Kung saan ninanais ng Diyos na makatagpo ng espasyo at panahon. Marahil ito na, ang pinaka-nararapat paghahanda na hinahangad sa atin ng Diyos, higit sa kung ano pa man. Sa ikalawang bahagi ng ating Ebanghelyo, kaugnay sa pagiging mapalad, sinasabi ni Hesus kung gaano pinagpala ang kanyang mga tagasunod, dahil sa kanilang naririnig at nakikita. Ito ang kaganapan ng paghahari ng Diyos, ang matagal nang ipinangako sa mga propeta at mga hari. Pero hindi ito magaganap at mauunawan, kung ang kanilang kalooban ay walang pagpapakumbaba, kapayakan at pagtalima sa Diyos. (Tayo kaya mga kapatid, nakikita at naririnig ba natin ang kaganapan ng paghahari ng Diyos sa ating buhay? O nakatuon lang tayo sa mga panlabas na paghahanda. Nawa magkaroon tayo ng tunay na disposisyon, at maihanda ang ating sarili para sa pagdating ng ating Panginoon. Amen.)