Ebanghelyo: MATEO 7:24-27
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat na nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon! Ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit “Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin ng malakas ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At Ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at di nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan
Pagninilay:
Paano na ang mga batang paslit na lumalaki sa mapanganib na kapaligiran? Paano na ang mga batang mabuway ang pinanghuhugutan ng pag-asa? Maituturing ba natin silang nakatayo sa buhangin? Malaki ang impluwensya ng naririnig, nakikita, at higit sa lahat, ang nararanasan ng isang lumalaking kabataan. Ilan sa kanila ngayon ang madali nang sumuko. Kahit hindi pa teenager ay nagiging defense mechanism na lang ang maging matapang pero sugatan ang kanilang kalooban. Sila rin ay may kinikimkim na daing: “Pagod na kaming maghintay. Wala kaming makapitan. Madilim ang aming dinaraanan. Kailan ka darating, Panginoon?
Ayon nga kay San Pablo, ang ating Hesus Maestro ang nagtatag ng ating pundasyong ispiritwal. Wagas ang naging hugot ng Kanyang Buhay para sa atin, pero ilan sa atin ang nakakalimot? Ito ang dahilan kaya’t marami ang nabibiktima, nasasaktan at dumaraing. Sana ngayong Adbiyento, hindi tayo magbingi-bingihan sa hinaing ng mga inosenteng bata. Ibaling natin ang ating malasakit sa kanila na lubos na tumatangis, at kahit musmos pa lang ay sumuko nang umasa. Ayon kay Pope Francis ang darating na Jubilee Year ay may temang Pilgrims of Hope. Paypayan daw natin ang ningas ng pag-asa na inihandog sa atin, at paypayan din natin ang humihinang bága ng pag-asa ng iba. Sa ating pagpaypay sa pag-asa, tanawin natin ang kinabukasan na may bukás na diwa at kalooban at nagtitiwalang puso. Lakipan din natin ito ng matatag na pananampalataya sa pagharap sa mga nakaambang kapahamakan. Gawin natin ito habang nakatindig tayo sa pangangalaga ng ating panulukang Bato.